Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Isyu ng pabahay sa Bulacan at Rizal, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'



Noong mga nakaraang linggo, sunod-sunod na inokupa ng ilang miyembro ng grupong Kadamay ang nasa limang libong housing unit sa Pandi, Bulacan. Ayon sa kanila, nakatiwangwang lang daw ang mga pabahay at wala namang nakatira sa mga ito. Pero tugon ng National Housing Authority, may pinaglalaanan na ang mga pabahay at kailangang dumaan sa proseso bago maging isang benepisyaryo.


Kasama sa mga nakatira ngayon sa inokupang pabahay si Aling Nilda Cauilan, limampu’t apat na taong gulang. Galing daw silang Bocaue, Bulacan at sinabihan ng Kadamay na kung gusto nilang magkaroon ng bahay ay sumama sila sa protesta sa Pandi. Ayon kay Aling Nilda, gusto lang naman nilang magkaroon ng sariling bahay, pinapalayas na rin kasi sila sa inuupahan nilang kwarto. Tatlong buwan na kasi silang hindi nakakabayad dito.


Anim na relocation site ang matatagpuan sa Pandi, Bulacan. Para ito sa mga pamilyang nakatira sa mga danger zone at pamilya ng ilang empleyado ng PNP at BJMP. Bahagi ang proyekto ng 50 billion peso resettlement fund na sinimulan noong pang taong 2013, panahon ng dating administrasyon.  Target na mailipat ang mahigit isang daang libong pamilya.


Pero nang mag-ikot ang Reporter’s Notebook sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan, ilang pamilya pa rin ang nakatira sa ilang danger zone na itinuring nang prayoridad ng gobyerno para mabigyan ng pabahay.


Sa patuloy na pagsisiyasat ng Reporter’s Notebook, hindi lang pala mga pabahay sa Pandi, Bulacan ang tinirhan ng ilang militanteng grupo. Maging ang mga pabahay sa 1K2 Kasiglahan Village sa Rodriguez, Rizal, tinirhan ng ilang miyembro. Ayon sa kanila, nakatiwangwang rin ang isang libong yunit ng pabahay rito. Nauna nang idineklarang danger zone ang lugar kung saan itinayo ang pabahay matapos malubog ito noong manalasa ang Habagat noong 2013.

 
Huwag palalampasin ang “INOKUPANG PABAHAY” ngayong March 23, 2017, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.