Mga batang troso ng Albuera, kilalanin sa 'Reporter's Notebook'
Sa bayan ng Albuera sa Leyte, nakilala ng Reporter’s Notebook ang isang grupo ng kabataan na matiyagang inaakyat ang kabundukan. Paghihila ng mga coco lumber o troso mula sa puno ng niyog ang pakay ng grupo sa bundok. Ang mga namumuhunang may chainsaw ang nagpuputol ng puno, habang binabayaran naman sila para ibaba ang mga troso.
Kabilang sa mga naghihila ng troso ang labing limang taong gulang na si Warren. Gamit ang baon nilang pako at lubid, isa-isa nilang pinapakuan ang nasa walumpung kilo ng coco lumber at tsaka naman ito hihilain. Halos triple ng kanilang bigat ang bawat trosong kailangang ibaba kaya hindi biro ang panganib na hinaharap nila. Kwento ni Warren, makailang ulit na siyang nabagsakan ng troso habang ibinababa ang mga ito. Sampung taon na ang nakararaan nang iwanan si Warren ng kanyang ina. Wala namang permanenteng trabaho ang kanyang ama. Kaya mahalaga para sa kanya ang bawat sentimong kinikita sa paghihila ng troso para makapagpatuloy siya sa pag-aaral.
Paralisado naman ang kalahating katawan at hindi na nakapaghahanapbuhay ang ama ni Jessie, labing limang taong gulang kaya ganoon na lamang ang kanyang pagsisikap para makatulong sa pamilya. May espesyal na pangangailangan ang isa pang kapatid ni Jessie. Hindi pa siya naipatitingin sa espesyalista kaya’t hanggang ngayon, hindi pa tukoy ang kanyang kundisyon.Halos araw-araw kung maghila at magbuhat ng troso si Jessie. Pero dahil kapos pa rin ang kinikita, hindi na siya nakapagpatuloy sa pag-aaral.
Sa isang pag-aaral na inilabas ng International Labour Organization noong December 2015, animnapu’t dalawang porsyento ng pangkalahatang populasyon ng mga child laborer sa bansa ang nasa sektor ng agrikultura. Kabilang sa populasyong ito ang grupo nina Warren at Jessie na naghihila ng coco lumber mula sa kabundukan. Ang agrikultura, konstruksyon at pagmimina ang itinuturing na tatlo sa pinakamapanganib na sektor para sa anumang edad.
Huwag palalampasin ang BATANG TROSO NG ALBUERA, ngayong October 20, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.