Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Karahasan sa loob ng Bilibid, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'



Alas-siyete kwarenta y singko ng umaga noong September 28, naganap ang saksakan sa pagitan ng mga inmate ng building 14 sa Maximum Security Compound ng Bilibid na humantong sa pagkamatay ng isa sa kanila. Gwardiyado ng Special Action Force o PNP-SAF ang building 14 at tadtad ng CCTV. Kaya malaking palaisipan kung paano nakalusot sa mata ng mga otoridad ang karahasan. Ano nga ba ang ugat ng gulo?


Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang apat na inmate. May mga saksak ng icepick sa dibdib, braso, kamay at likod ang convicted carnapper at kidnapper na si Jaybee Sebastian. Mga saksak naman ng icepick sa dibdib ang natamo ng convicted drug trafficker na si Peter Co. Ang convicted drug trafficker din na si Vicente Sy, nasaksak naman sa kaliwang dibdib, braso, at likod habang ikinasawi naman ng convicted carnapper at kidnapper na si Tony Co ang mga saksak sa tiyan at dibdib.


Matapos ang mahigit dalawang linggo mula nang mangyari ang karahasan, nagtungo ang Reporter’s Notebook sa Bilibid. Pakay sana naming i-follow up ang kahilingan naming makapasok sa loob ng maximum security compound at mahingan na rin ng panig ang pamunuan ng New Bilibid Prison tungkol sa nangyaring kaguluhan. Sa ngayon, wala pang inilalabas na resulta ng imbestigasyon at hindi pa rin malinaw ang totoong nangyari.


Nitong Lunes, humarap sa pagdinig sa kongreso ang tatlong inmate na nasangkot sa gulo: sina Peter Co, Vicente Sy at Jaybee Sebastian. Dito idinetalye ni Sebastian kung paano nangyayari ang bentahan ng droga sa loob ng Bilibid at kung sino-sino ang mga nakikinabang diumano sa milyong pisong drug money kabilang na si Senador Leila de Lima na itinanggi naman ang paratang. Isiniwalat rin niya ang gawain ng “ninja cops” o mga tiwaling pulis na nagre-recycle ng mga nakuhang kontrabando.


Huwag palalampasin ang DAHAS SA BILIBID, ngayong October 13, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.