Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Bilang ng mga nagugutom sa bansa, susuriin ng 'Reporter's Notebook'


Sa Rodriguez, Rizal, naabutan naming papasok sa eskwela sina Carlito, sampung taong gulang at Mary Joy, labing limang taong gulang. Dalawa sila sa labing tatlong anak ng mag-asawang Rommel at Marianita Pintor. Inihahanda nila ang kanilang uniporme at iba pang gamit sa eskwela pero hindi ang agahan, dahil gaya ng iba pang nagdaang umaga, wala sila nito. Pumapasok ang mga bata na walang laman ang tiyan. Dahil ilang metro lang ang layo ng kanilang bahay sa Rizal sanitary landfill, araw-araw ay nakikisabay sina Carlito sa mga truck ng basura hanggang makarating sa labasan. Malaking tipid na rin kasi ito, para hindi na mabawasan ang kanilang baon na tig-sampung piso. Habang nasa loob ng klase, sabay na sumasakit ang tiyan ng magkapatid dahil sa gutom.

Para makabili ng masustansyang pagkain at para makakain ng tatlong beses sa isang araw ang isang pamilyang may limang miyembro, kailangan nila ng halos siyam na libong piso kada buwan o halos limang daang piso kada araw. Malayo ito sa kinikita ng pamilya Pintor na umaabot lang sa dalawang daang piso. Kaya hindi nakapagtatakang hindi sila nakakakain ng masustansyang pagkain.

Sa datos ng grupong Save the Children, apat sa bawat sampung pamilya ang walang kakayahan na makapagbigay ng masustansyang pagkain sa mga anak dahil sa kahirapan. Ang mas nakababahala, pangsiyam ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng stunting sa buong mundo na aabot sa 3.6 milyong kabataan. Stunting ang tawag kapag hindi akma ang laki ng isang bata sa kanyang edad.

Alamin ang tunay na kalagayan ng magkakapatid sa special report na “PAMILYA PINTOR,” ngayong August 18, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.