Kalagayan ng transport system ng bansa, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'
Sa pagpasok man sa trabaho o eskwela hanggang sa pag-uwi, kalbaryo ang dinaranas ng marami sa mga commuter sa araw-araw. Ang ilan, nakikipagbuno na, makasakay lang. Ang biyahe, pinapalala pa ng maitnding traffic na wala nang pinipiling oras. Pangarap na lang ba ang isang matino at epektibong transport system sa bansa?
Nitong Lunes, tinungo namin ang Buendia Station ng Philippine National Railways. Dito namin naabutang pauwi si Mang Alex, isang mason at karpintero. Dahil kapos ang platform kung saan pwedeng sumampa sa tren, ang mga pasaherong pababa, kailangang tumalon at ang mga papasakay naman, kailangang maglambitin paakyat. Ang iba tinutulungan na lang ng kapwa pasahero para makapasok. Sa loob ng tren, mistulang sardinas at halos magkakadikit na ang mukha ng mga pasahero.
Tila walang katapusan ang problema sa public transport system sa bansa. Dahil maging ang ilan public utility vehicle gaya ng mga bus, pasakit ang dinaranas ng ilan. Halos magbalyahan ang mga pasahero para lang makasakay. Ipinipilit isiksik ang sarili dahil sa kagustuhang makarating sa pupuntahan.
Ayon sa MMDA, may pitumpu’t pitong traffic choke points sa buong Metro Manila. Ang mga traffic choke points ang mga kalsada kung saan buhol-buhol ang daloy ng trapiko. Sa EDSA pa lang, pito na ang choke points kabilang na ang Balintawak, Aurora Boulevard, Ortigas Avenue, Shaw Boulevard, Guadalupe, Ayala Avenue at Taft Avenue.
Sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address, nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay sa kanya ng emergency powers gaya ng iminumungkahi ng ilan. Ito ay para raw mas mapabilis ang pagtugon sa problema ng traffic sa bansa.
Huwag palalampasin ang “MANDIRIGMA NG KALSADA,” ngayong August 4, 2016, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.