Mga batang nabubuhat ng uling sa Quezon, tampok sa 'Reporter's Notebook'
Reporter's Notebook
Pasan-Pasang Pangarap
Thursday, June 2
11:35 PM on GMA-7
Sa isang bayan sa Quezon, naabutan ng Reporter's Notebook na paakyat ng bundok ang magkapatid na Marvin, labing anim na taong gulang at Bonbon, labing isang taong gulang. Pakay nilang kunin sa itaas ng bundok ang mga sako-sakong uling. Hanapbuhay nila ang pag-aawis o ang paghahakot at pagbubuhat ng uling pababa ng bundok. Pasan nila sa kanilang mga ulo ang mga sako ng uling.
Kasama rin nila sa pag-aawis ang labing-isang taong gulang na kaibigang si Javen. Hindi madali ang pag-akyat at ang pagbaba ng bundok. Bukod sa mabato at maputik, isang maling yapak ay maaari silang mahulog sa malalim na bangin. Pero tila sanay na sanay na ang mga bata. Mabibilis ang kanilang lakad kahit na umaabot ng dalawampung kilo o halos kasing bigat nila ang pasang uling.
Pero balewala sa kanila ang bigat. Bahagi ng kanilang kita, ibinibigay nila sa kanilang mga magulang para maipambili ng pagkain. Pero ikinuwento ng mga batang may pinaglalaanan sila ng kaunting baryang itinatabi sa tuwing kikita mula sa pag-aawis. Nag-iipon raw sila para may maipambili ng mga gamit sa darating na pasukan. Kaya wala silang sinasayang na oras, dahil ilang araw na lang pasukan na pero hindi pa rin sapat ang naiipon nila.
Huwag palalampasin ang “Pasan-Pasang Pangarap” ngayong June 2, 11:35 PM sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.