Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Karahasang naganap sa Kidapawan, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'


 

 

Reporter's Notebook
Karahasan sa Kidapawan
Huwebes, April 7
11:35 PM sa GMA-7

 

 

Biyernes, unang araw ng Abril nitong taon, sumiklab ang kaguluhan nang buwagin ng mga otoridad ang kilos protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan City. Umalingawngaw ang mga putok ng baril. Binomba rin ng water canon ang mga raliyista. Bato naman ang iginanti ng mga nagpoprotesta.

 

 

Naging marahas ang dispersal. Ayon sa Commission on Human Rights, tatlo ang namatay at mahigit siyamnapu ang sugatan sa hanay ng mga raliyista, habang nasa mahigit isang daan naman ang sugatan sa hanay ng kapulisan; tatlo rito kritikal ang kondisyon.

 

Karamihan sa mga magsasakang nagprotesta sa Kidapawan, dumaraing ng gutom dahil sa El Niño. Kung tutuusin, 2015 pa nagsimula ang El Niño sa bansa. Dapat sana, natulungan na ang mga magsasaka bago pa man tuluyang matuyo ang kanilang mga panananim. Pero hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi ramdam ang tulong ng pamahalaan. Sa mga lugar sa Mindanao na napuntahan ng Reporter’s Notebook nito lamang Pebrero, halos wala nang makain ang mga magsasaka. Tinungo rin namin ang ilan pa sa mga dumaraing na magsasaka sa ilang sakahan sa North Cotabato.

 

Ayon sa Department of Agriculture, mula February 2015 hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit limang bilyong piso ang production loss sa sektor ng agrikultura sa  buong bansa dahil sa El Niño. Katumbas ito ng mahigit dalawang daan at tatlumpung libong ektarya ng nasirang pananim.

 

Ano ang ugat ng karahasang nasaksihan sa Kidapawan? Ano ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para matulungan ang mga magsasakang apektado ng El Niño?

Huwag palalampasin ang “KARAHASAN SA KIDAPAWAN,” ngayong April 7, 2016, 11:35 PM sa Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.