Epekto ng El Niño sa mga magsasaka sa Mindanao, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'
Lupit ng El Niño
Huwebes, March 3
11:35 PM sa GMA News TV-11
Itinuturing na food basket ng Pilipinas ang Mindanao. Katunayan, apatnapung porsyento ng suplay ng pagkain sa bansa, dito nagmumula. Pero sa ngayon, nakararanas ang rehiyon ng pagbaba ng produksyon ng palay, mais at iba pang pananim dahil sa El Niño. Nasa mahigit isang daang libong magsasaka na ang apektado at nasa mahigit apat na bilyong piso naman ang halaga ng mga nasirang pananim. Pinakaapektadong mga probinsya ang North Cotabato, Maguindanao at Bukidnon.
Sa bayan ng Malaybalay sa Bukidnon, naabutan naming naghahanda ng hapunan ang pamilya ni Mang Perfecto Zuñiga. Pero sa halip na bigas, mais ang isinasaing nila. Mahigit dalawang buwan na raw silang walang makaing bigas. Paglabas sa kanilang sakahan, mas naintindihan namin kung bakit hirap ang kalagayan nina Mang Perfecto.
Ang mga naging bunga ng palay, walang laman at hindi na mapapakinabangan. Bitak-bitak na rin ang lupa sa palayan. Epekto ng El Niño ang nangyari sa palayan ni Mang Perfecto. Dahil walang irigasyon sa sakahan nina Mang Perfecto, tubig-ulan o galing sa bundok ang patubig na inaasahan nila. Kung dati, umaani sina Mang Perfecto ng singkwenta hanggang otsentang sako ng palay tuwing anihan at nakakapag-uwi ng higit tatlumpung libong piso, ngayon, wala ni isang sako syang maaasahan.
Sa kasalukuyan, aabot na sa limampu’t isang ektaryang lupain ng maisan, palayan, at taniman ng high value crops ang napinsala sa Bukidnon. Nasa higit tatlumpung libong magsasaka na rin ang apektado kaya naman nagdeklara na ng state of calamity ang probinsya nitong Pebrero.
Ayon sa Department of Agriculture, mula Pebrero 2015 hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa 4.7 billion pesos ang production loss sa sektor ng agrikultura sa buong bansa dahil sa tagtuyot. Ano ang tugon ng pamahalaan sa lumalalang epekto ng El Niño?
Huwag palalampasin ang “Lupit ng El Niño” ngayong Huwebes sa Reporter's Notebook, March 3, sa bago nitong oras 11:35 ng gabi pagkatapos ng Saksi.