Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kalagayan ng mga inabusong OFW sa ibang bansa, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'


 

PILAT SA IBAYONG DAGAT
REPORTER’S NOTEBOOK SPECIAL REPORT
JANUARY 14, 2016

 


Sa pagtungo ng Reporter’s Notebook sa Hong Kong, nakalulungkot malaman na bukod sa pangungulilang nararamdaman ng mga Overseas Filipino Workers o OFW habang nagbabanat ng buto, minsan ay kasabay pa nito ang pagtitiis sa pagmamaltrato at pang-aabuso ng kanilang mga pinagsisilbihang mga amo.

 


Nitong Disyembre 2015, napabalita ang pang-aabuso raw sa isang OFW sa Hong Kong na itatago namin sa pangalang “Wilma.” Itinulak at pinlantsa ang likod ni “Wilma” matapos raw hindi masunod ang gustong masahe ng kanyang amo.

 


Si Emerlina, bukod sa pambubugbog, nakaranas din ng sekswal na pang-aabuso mula sa kanyang mga naunang amo. Nagsampa siya ng kaso at naipanalo ito. Sa isang survey na ginawa ng Mission for Migrant Workers, lumalabas na halos 42% ng mga domestic helpers ang nagsasabing nakaranas sila ng iba’t ibang klase ng pang-aabuso.

 


Isa sila sa dahilan kung bakit patuloy ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ang mga OFW. Noong nakaraang taon, umabot sa 700 bilyong piso ang ipinadala nilang remittances sa bansa.

 


Pero sa kabila nito, ika-pito sila sa pinakamahirap na sektor sa Pilipinas. Kaya kahit nakararanas sila ng pagmamalupit, wala naman  silang ibang mapapasukang trabaho o mapagkakakitaaan dito sa Pilipinas.

 


Huwag palalampasin ang “PILAT SA IBAYONG DAGAT, Reporter’s Notebook Special Report” ngayong Huwebes, January 14, 5:20 ng hapon pagkatapos ng Destiny Rose.