Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Kalagayan ng bawat pamilyang maninisid ng bolo-bolo, kukumustahin ng 'Reporter's Notebook'
BATANG BOLO-BOLO
October 15, 2015
Mahigit dalawang libo at anim na daan ang populasyon ng Barangay Salvacion sa Isla Jinamoc sa Basey, Samar. Walumpu’t limang porsyento ng mga residente ay mangingisda; lahat sila umaasa sa biyaya ng dagat. Gaya ng pamilya nina Junimar Ocop, labing isang taong gulang.
Kasama ni Junimar ang ama niyang si Dionisio at kaibigan niyang si Dan-Dan sa pagpalaot sa dagat. Pagsisid at pangunguha ng bolo-bolo, isang uri ng shellfish, ang trabaho nila. Aabot sa labing limang talampakan ang lalim ng sinisisid nila. Wala silang anumang proteksyon, nag-iipon lang sila ng hininga para makatagal sa pagsisid.
Ang laman ng bolo-bolo naibebenta ng pitumpung piso kada kilo, labing limang piso kada kilo naman ang benta sa mga shell nito. Ginagawa raw itong dekorasyon at butones. Pero marami man ang nakukuhang pakinabang sa bolo-bolo, kakarampot naman ang kinikita mula rito ng mga gaya ni Junimar.
Hindi lang pagkuha ng bolo-bolo ang kabuhayan nina Junimar. Dahil pagsapit ng gabi ay balik-dagat sila para naman manlambat ng isda. Pero di gaya ng dati, kakaunti na lang daw ang nahuhuli nila. Isa ang Isla Jinamoc sa mga binayo ng bagyong Yolanda halos dalawang taon na ang nakararaan. Sa pag-aaral ng ilang eksperto, natuklasan na matapos ang super typhoon, halos walumpung porsyento ng mga bahurang nursery o pangitlugan ng mga isda ang nawasak. Kaya hindi raw nakapagtataka kung bakit kumaunti ang mga huling isda sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Laging sapalaran ang pagpalaot ng mag-ama – kapag walang huli, gutom ang abot ng pamilya. Paano sila makakaahon sa kahirapan?
More Videos
Most Popular