Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kaligtasan sa mga pampublikong sasakyan, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'






BIYAHE NG TRAHEDYA
September 10, 2015
 

 
Sa unang dalawang buwan pa lamang ng taong 2015, umabot na sa mahigit isang daan at limampu ang bilang ng aksidenteng kinasangkutan ng mga bus sa bansa. Ilan sa mga aksidenteng ito, kumitil sa buhay ng mga pasahero.
 

Pero isa sa itinuturing na pinakamalalang aksidente sa bus sa nakalipas na limang taon ay ang pagbagsak ng Don Mariano bus sa Skyway umaga noong December 16, 2013. Umabot sa dalawampu ang bilang ng namatay at labing-apat naman ang sugatan. Binalikan ni Maki Pulido ang trahedya sa kwento ng isa sa mga nakaligtas sa aksidente. Dumaraing din ang ilang kaanak ng namatayan na hanggang ngayon ay hindi pa rin daw nakukuha ang hustisya.
 

Bukod sa Don Mariano bus accident, ikinagimbal din ng marami ang nangyaring aksidente sa MV Florida bus noong February 7, 2014. Nahulog ang bus sa isang bangin habang binabaybay ang Bontoc, Mountain Province. Sakay nito ang komedyanteng si Arvin “Tado” Jimenez. Umabot sa labinglima ang namatay kabilang na si Tado at dalawampu’t walo naman ang sugatan. Tinanggalan ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang Florida bus pero matapos silang umapela sa korte, nakapagpapatuloy sa pagbiyahe ang kanilang mga bus habang dinidinig ang kaso.

Minsan nang naglabas ang LTFRB ng listahan ng mga bus na may pinakamaraming kaso ng aksidente kung saan marami ang namatay. Pero sa kabila nito, marami sa mga nasa listahan, bumibiyahe pa rin hanggang ngayon. Paano nga ba tinitiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan sa bansa? Bakit tila hindi naparurusahan ang mga sangkot sa mga pinakamalalang aksidente?

Huwag palalampasin ang Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, 5:00 ng hapon pagkatapos ng Healing Hearts.