Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Kaligtasan ng mga sa sasakyang pandagat, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'
TRAHEDYA SA ORMOC
July 9, 2015
Huwebes, July 2, isa na namang trahedya sa karagatan ang naganap. Tumaob ang malaking bangkang de motor na MBCA Kim Nirvana-B habang patungo sa Camotes Island mula sa Ormoc City. Umabot na sa animnapu ang kumpirmadong nasawi sa trahedya habang nasa isang daan at apatnapu ang nakaligtas. Ayon sa mga survivor, bukod sa mga pasahero, lulan ng motorized banca ang sako-sakong semento, fertilizer at bigas.
Sa Tacloban City Airport, nakilala ng Reporter’s Notebook si Kelvin Visto. Ayon sa kanya, kasama ang kanyang ama sa mga pasahero ng lumubog na MBCA Kim Nirvana-B. Sinamahan namin siya patungong Ormoc City. Pagdating sa pier, naabutan namin ang kanyang inang si Aling Wilma. Magkasama pala si Aling Wilma at ang kanyang asawa sa malaking bangka. Pero nagkahiwalay sila nang magkagulo na ang mga tao habang lumulubog ang sinasakyang bangka. Nang mga sandaling iyon, hindi pa rin nahahanap ang ama ni Kelvin. Puno rin ng hinagpis ang iba pang kaanak ng mga nasawi sa aksidente.
Sinampahan na ng kasong murder ang may-ari at kapitan ng MBCA Kim Nirvana-B. Sinibak rin sa pwesto ang mga tauhan ng Coast Guard na nagbigay ng permiso sa motorized banca na maglayag. Makailang-ulit nang nangyari ang mga ganitong uri ng aksidente sa karagatan dito sa bansa pero hanggang ngayon tila hindi pa rin natututo ang mga kinauukulan. Ngayon pumasok na naman ang tag-ulan, paano sinisiguro ng mga may-ari ng mga pampasaherong bangka at ferry at maging ng mga otoridad ang kaligtasan ng mga pasahero?
Huwag palalampasin ang “Trahedya sa Ormoc,” ngayong Huwebes, 4:45 ng hapon pagkatapos ng Healing Hearts.
More Videos
Most Popular