Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Epekto ng malakas na lindol sa Nepal, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'


LINDOL SA NEPAL
Reporter’s Notebook Special Report
Huwebes, Abril 30
4:35 PM sa GMA-7


 
April 25, 2015, isang trahedya ang naganap sa bansang Nepal matapos tumama ang isang magnitude 7.9 na lindol. Napabagsak nito ang maraming istruktura at bahay, winasak ang mga makasaysayang gusali at ang pinakamalungkot, maraming buhay ang nawala. Ayon sa tala ng mga otoridad sa Nepal, umabot na sa mahigit apat na libong tao ang namatay at pinangangambahang patuloy pang tataas ang bilang. Nasa walong libong tao naman ang sugatan. Ayon sa UNICEF, nasa isang milyong kabataan ang labis ring naapektuhan ng nangyaring paglindol.
 
Nagtungo si Jiggy Manicad sa Nepal upang alamin ang lagay ng search and rescue operations. Personal din niyang aalamin ang sitwasyon ng mga Pilipinong naninirahan doon.
 
A Filipino volunteer worker from VSO International who was in Nepal when the quake struck on Saturday, April 25, took this photograph of a collapsed house in Bhaktapur. She is now safely on her way back to the Philippines.
Pero hindi lang ang bansang Nepal ang maaaring yanigin ng lindol.  Maging ang Pilipinas, nakapwesto sa bahagi ng mundo kung saan madalas nagaganap ang mga paggalaw sa ilalim ng lupa. Sa inilabas na Risk Analysis Project ng Phivolcs katulong ang Geosciences Australia noong 2014, lumalabas na nasa 37,000 tao ang maaaring masawi sakaling mangyari ang isang magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila. Hindi ito nalalayo sa ginawang pag-aaral naman ng Japan International Cooperation Agency, Phivolcs at MMDA noong 2004 na tinatayang nasa 34,000 katao naman ang pwedeng masawi kapag tumama ang 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila. Nakabase ang bilang na ito sa dami ng gusali at imprastruktura na maaaring mapabagsak ng lindol. Paano nga ba ito mapaghahandaan?
 
Huwag palalampasin ang “Lindol sa Nepal, Reporter’s Notebook Special Report” ngayong Huwebes, 4:30 ng hapon pagkatapos ng Kailan Ba Tama ang Mali?