Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mabilis na urbanisasyon ng Boracay, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'


Boracay
Reporter's Notebook Summer Special
Huwebes, Abril 16
4:35 PM sa GMA-7


 
Taong 2008 nang maglabas ng pag-aaral ang Ecosystems Research and Development Bureau ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na sa loob ng dalawa o tatlong taon daw ay mararating na ng isla ng Boracay ang carrying capacity nito dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga turista at establisimyento. 2013 naman nang sinabi ng pamahalaan na isa nang critical habitat ang Boracay. Naglabas noon ng moratorium na nagbabawal sa pagtatayo ng anumang gusali sa isla. Pero binawi rin ito makalipas ang isang taon.
 
 

 
Sa kabila ng babala ng mga eksperto, patuloy ang pagtatayo ng iba't ibang istruktura sa Boracay. Sa ngayon ay nasa halos 300 na ang hotel at resort sa isla. At ang nakababahala, nalaman ng Reporter's Notebook na sa Bulabog beach na tinatawag ring back beach, may malalaking tubo na naglalabas ng wastewater direkta mismo sa dagat. Nito lamang Pebrero, naglabas ng pagsusuri ang DENR kung saan natuklasang mataas ang coli form bacteria level sa Bulabog beach. Ang normal coli form level ay 1000 most probable number per 100 millimeters o mpn pero base sa resulta ng pag-aaral, nasa 47,000 mpn ang coli form level sa bahaging ito ng Boracay. Sinubukang tuntunin ng Reporter's Notebook ang source o pinagmumulan ng mag tubong aming nakita. Inalam rin namin kung paano tinutugunan ng namamahala sa Boracay ang problema nito sa solid waste o basura.
 


 
Nauna na ring iniulat ng Reporter's Notebook ang mga establisimyento sa Boracay na hindi sumusunod sa 25-meter easement rule na ipinatutupad ng pamahalaan. Alamin kung ilan pa rin ang lumalabag dito hanggang ngayon. Anong hakbang ang dapat gawin upang mapigilan ang sinasabing unti-unting pagkasira ng Boracay?
 


 
Huwag palalampasin ang pagsisimula ng Summer Special ng Reporter's Notebook ngayong Huwebes, 4:30 ng hapon pagkatapos ng Kailan Ba Tama ang Mali?