Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Kundisyon ng mga pampublikong tren sa bansa, tatalakayin sa Reporter's Notebook
DISKARIL
Reporter's Notebook
Huwebes, Pebrero 26
4:35 PM sa GMA-7
August 2014 nang maganap ang pinakamalalang aksidente sa Metro Rail Transit o MRT kung saan halos dalawampu ang nasugatan. Lumampas sa riles ang bagon ng tren at bumangga sa isa pang poste sa Pasay City. Bukod sa insidenteng ito, ilan pang aberya ang nangyari sa MRT gaya ng biglaang paghinto, pagbukas ng pinto habang umaandar ito at pagsiklab ng apoy sa isa sa mga bagon nito. Sa pag-aaral na ginawa ng MTR na siyang leading railway operator sa Hong Kong, lumalabas na nakaka-alarma ang kondisyon ng MRT at hindi malayong magkaroon muli ng aksidente at may mga masaktan. Sa pag-iikot ng Reporter’s Notebook, ilang elevator at escalator ng MRT ang hindi na gumagana. Maging ang ilang monitor sa ilang istasyon, hindi na rin napapakinabangan.
Sa kabila ng sunod-sunod na aksidente, noong nakaraang buwan ay nagtaas ng pamasahe ang MRT. Mula sampung piso ay naging labing tatlong piso ang pamasahe sa pinakamalapit na istasyon at mula labing limang piso ay naging dalawampu’t walong piso ang pamasahe sa pinakamalayong istasyon. Ang dagdag na pasahe, dagdag pasakit din daw sa mga gaya ni Mang Alfredo na araw-araw sumasakay ng MRT papunta sa pinapasukang construction site. Kung dati ay may natitira pa sa isang daang pisong baon niya sa pagpasok, ngayon kailangan niyang mas tipirin ang pagkain para magkasya ang pamasahe. Mahigit sa kalahating milyong pasahero ang sumasakay sa MRT araw- araw, halos doble ang dami kaysa sa kaya nitong isakay na 350,000 katao.
Pero bukod sa MRT, nagbabadya ring magtaas ng pamasahe ang PNR. Siniyasat din ng Reporter’s Notebook ang kondisyon ng mga tren ng PNR at dito nakitang halos hindi nalalayo ang sinasapit ng mga pasahero. Makatarungan nga ba ang pagtataas ng pamasahe ng MRT at sa PNR? At makakaasa pa ba ang ordinaryong mamamayan na magkaroon ng ligtas at maayos na pampublikong tren?
Huwag palalampasin ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng pamahalaan at lipunan sa Reporter’s Notebook, Huwebes, 4:30 ng hapon pagkatapos ng Kailan Ba Tama ang Mali?
More Videos
Most Popular