Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Trahedya sa Karagatan' sa #ThrowbackThursday ng 'Reporter's Notebook'


Sept 18, 2014
Mahahalagang isyu ang babalikan ng Reporter’s Notebook sa #ThrowbackThursday
“TRAHEDYA SA KARAGATAN”
 
Sa isang espesyal na Huwebes bawat buwan simula ngayong Setyembre, makiki- #ThrowbackThursday ang Reporter’s Notebook.  Babalikan ang mga pinakamalalaking anomalya, kontrobersya, isyu at trahedya na gumimbal sa bansa. Aalamin kung ano ang kinahinatnan ng mga ito at sisingilin ang mga may pananagutan.

Sa unang pagtatanghal ng “THROWBACK THURSDAY,” babalikan ang ilan sa mga trahedya na nangyari sa ating karagatan. Sa tala ng Philippine Coast Guard o PCG, naganap ang karamihan sa mga aksidente sa panahon ng pagpasok ng mga bagyo sa bansa. Isa sa maituturing na pinakamapaminsala ang paglubog ng MV Princess of the Stars sa karagatan ng Sibuyan Island sa Romblon noong 2008. Ito ay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Frank. Limang daan at labing-lima ang nasawi sa trahedya at tatlong daan at labing-anim naman ang hindi pa rin nahahanap hanggang ngayon. Tatlumpu’t tatlo ang nakaligtas kabilang na ang apatnapu’t apat na taong gulang na si Sosan Lisbo.
 
Makalipas ang anim taon, sariwa pa rin kay Sosan Lisbo ang pangyayaring muntik nang kumitil sa kanyang buhay. Pero ang mas masaklap, matapos ang anim na taon, hindi pa rin daw nila nakukuha ang katarungan sa nangyari sa kanya at sa kanyang mga kaanak.

Sa tala ng PCG, umabot na sa 475 ang bilang ng aksidente sa karagatan sa bansa mula taong 1972 hanggang sa kasalukuyan. Kabilang na rito ang MV Doña Paz kung saan mahigit apat na libo ang bilang ng nasawi.
 
Noong nakaraang Sabado lang, isa na namang trahedya ang naganap, ang paglubog ang RORO vessel na Maharlika 2. Lumubog ang Maharlika 2 matapos hampasin ng malalakas na alon sa kasagsagan ng malakas na ulan. Walo ang kumpirmadong namatay at isang daan ang nakaligtas.
 
Sa pagsisiyasat ng Reporter’s Notebook, lumabas na negligence, human error at masamang panahon ang kadalasang dahilan ng mga paglubog ng mga barko at passenger ferry. Pero ayon sa United Filipino Seafarers Union, hindi raw sana nangyari ang mga aksidenteng ito kung naging mahigpit lang ang mga kinauukulan sa pagpapatupad ng mga polisiya bago lumayag ang mga sasakyang pandagat.
 
Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook, ngayong Huwebes, 4 ng hapon sa GMA-7.