Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Tawid Karunungan' sa teacher's month special ng 'Reporter's Notebook'


September 4, 2014
TAWID KARUNUNGAN
Reporter’s Notebook Teacher’s Month Special
Kasabay ng selebrasyon ng Teacher’s Month, tinutukan ng Reporter’s Notebook ang sakripisyo ng mga gurong kailangang tumawid ng mga ilog at umakyat ng mga bundok maihatid lang ang kaalaman at karunungan sa mga mahihirap na mag-aaral ng Kiahe Integrated School sa Sarangani.
Tubong General Santos si Teacher Jerome Parrenes, pero mahigit anim na taon na siyang nagtuturo sa Sitio Kiahe. Linggo-linggong namumundok sina Teacher Jerome para marating ang Sitio Kiahe. Hindi madali ang kanilang paglalakbay. Dahil sa kalagitnaan ng pag-akyat sa bundok, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ang kasabay niyang guro na si Teacher Flor Cabilladez, ilang beses nadulas at muntikan pang matangay ng rumaragasang tubig sa ilog.
Pagdating sa Sitio Kiahe, nakita namin ang isa pang problema. Bagama’t may ilang kongkretong silid, ang classroom ni Teacher Flor, kalunos-lunos ang kondisyon. Ang silid-aralan niya, gawa lang sa pinagtagpi-tagping kahoy. Wala rin itong bintana, dingding at maayos na upuan.
Sa kabila ng sakripisyo nina Teacher Jerome at Teacher Flor, tila hindi naman ito nasusuklian ng sapat na suporta at sahod mula sa pamahalaan. 20,000 pesos ang sweldo nila kada buwan pero sa gaya nilang maraming kaltas, umaabot lang sa pitong libong piso ang naiuuwi nilang sahod. Ang perang ito, ginagastos pa nila minsan para makabili ng mga gamit ng mga estudyante nila. May hardship allowance na ibinibigay sa mga gaya nilang umaakyat sa mga kabundukan pero umaabot lang ito sa mahigit limang libong piso kada school year o kung susumahin ay nasa limang daang piso kada buwan.
 
Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook sa bago nitong araw, Huwebes, alas kuwatro ng hapon pagkatapos ng Dading.