Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga matatandang naghahanap ng pagkalinga, tampok sa 'Reporter's Notebook'






June 26, 2014
KALINGANG KAPOS
Reporter’s Notebook Special Report


Sa gitna ng isang malawak na bukirin sa Peñaranda, Nueva Ecija, inabutan naming abala sa paghahanap ng kamote si Lola Victoria Medina, pitumpu’t anim na taong gulang. Mag-isa lang siya sa kanyang maliit na barung-barong kaya siya na ang gumagawa ng paraan para makahanap ng makakain. May sarili nang mga pamilya ang kanyang mga anak na hirap din daw sa kanilang mga buhay. Dagdag pasakit pa kay Lola Victoria ang maliliit na bukol sa kanyang bibig na hanggang ngayon ay hindi pa niya naipatitingin sa doktor.

Sa Lawton sa Maynila, inabutan naman ng "Reporter’s Notebook" ang animnapung taong gulang na si Lolo Henry Vargas na nagtatawag ng mga pasahero ng jeep. Ito ay sa kabila ng kanyang maselang kalagayan. Paralisado na ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan matapos siyang ma-stroke noong nakaraang buwan. Pero tuloy pa rin siya sa paghahanapbuhay para makaipon ng pangkain. Tubong Quezon si Lolo Henry at lumuwas lamang siya para maghanapbuhay. Dahil sa kawalan ng pera, hindi na siya nakauwi sa probinsya.
 
Sinundan din namin ang pag-iikot niya sa iba’t-ibang feeding program para lamang malamnan ang kanyang kumakalam na tiyan.  Pagdating sa nagbibigay ng libreng pakain, nakilala pa namin ang ilang matatandang dito na lamang umaasa dahil inabandona na raw sila ng kanilang sariling pamilya.
 
Nasa dapit-hapon na sila ng kanilang mga buhay, pero bakit hindi pa rin nila maramdaman ang kaginhawaaan? Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook sa bago nitong araw, Huwebes, alas kuwatro ng hapon pagkatapos ng Dading.