Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sakit na ketong, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'




KETONG
Ulat ni Jiggy Manicad
Reporter’s Notebook Special Report

May 10, 2014

Minsan nang tinaguriang “Island of the Living Dead” ang isla ng Culion sa Palawan. Dito kasi dinadala noon ang mga may sakit na leprosy o ketong mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Umabot noon sa apat na libo ang bilang ng mga ginagamot sa leper colony. Pero sa pagbisita ng "Reporter’s Notebook" sa Culion, iba na ang sitwasyon sa isla. Nalunasan na ang halos lahat ng may ketong sa isla.  May mangilan-ngilan na lang na patuloy ang gamutan sa loob ng Culion Sanitarium.
 
Kung nakontrol ang ketong sa Culion, may ilang lugar naman sa bansa kung saan patuloy ang pagkakaroon ng bagong kaso ng sakit na ito. Sa isang bayan sa Luzon, nakilala namin ang dalawampu’t anim na taong gulang na si “Michelle” hindi niya tunay na pangalan. Ang inakala nilang sugat sa kanyang katawan dalawang taon na ang nakararaan, natuklasan noong Disyembre na ketong pala. Bagamat nakakahingi sila ng gamot sa kanilang health center, hindi raw ito sapat kaya may mga pagkakataong hindi siya nakakainom ng gamot. Sa paglipas ng mga araw, mas lalo raw iginugupo ng kanyang sakit si Michelle sa banig ng karamdaman.
 

 


Binisita rin ni Jiggy Manicad ang Tala Leprosarium sa Caloocan City. Dito namin nakilala ang mag-amang natuklasang may ketong noong taong 2011. Itinago nila sa kanilang mga kaanak ang pagkakaroon ng sakit dahil sa takot na pandirihan at layuan sila. Sa kasalukuyan ay tinutulungan sila ng isang non-government organization upang mairaos ang araw-araw nilang pangangailangan.
 
Sa pag-aaral na inilabas ng World Health Organization ngayong taon, lumalabas na kabilang ang Pilipinas sa labing-anim na bansa kung saan patuloy pa rin ang pagkakaroon ng kaso ng ketong. Noong 2012, umabot sa mahigit dalawang libo ang naitalang kaso ng ketong sa bansa. Ano ang programang ginagawa ng pamahalaan para malunasan ang pagkalat ng sakit na ito?
 
Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook sa bago nitong araw, Sabado na, May 10 pagkatapos ng I-Witness.