Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

'Reporter's Notebook,' binalikan ang kalagayan ng mga evacuees sa Zamboanga City


REPORTER'S NOTEBOOK
February 4, 2014
PAGBABALIK SA ZAMBOANGA
Ulat nina Jiggy Manicad at Maki Pulido

advertisement



Limang buwan mula nang maganap ang isa sa pinakamadugong bakbakan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng rebeldeng grupong Moro National Liberation Front o MNLF-Nur Misuari faction, muli kaming nagtungo sa Zamboanga City. Nagbalik na sa operasyon ang maraming establisiyimento sa siyudad, malayo sa mga imaheng nasaksihan namin noon. Pero ang maraming residenteng naapektuhan ng kaguluhan, nananatili pa ring kalunus-lunos ang kalagayan hanggang ngayon.
 



 
Isa si Hilda, dalawampu’t pitong taong gulang sa isang daang pamilyang nawalan ng tirahan sa Barangay Sta. Barbara dahil sa panununog ng rebeldeng grupo. Tumutuloy sila ngayon sa Joaquin F. Enriquez Jr. Sports Complex na nagsisilbing evacuation center para sa mga naapektuhang residente. Dahil sa kakulangan ng mga bunk house o temporary shelter, sa bleachers ng sports complex sila nananatili. Pero ang mas iniintindi ngayon ni Hilda ay ang kanyang isang taong gulang na anak na si Haifa. Natuklasang may hydrocephalus si Haifa noong apat na buwan pa lamang siya. Kaya doble pahirap pa para sa bata na wala silang maayos na silungan.
 

 
Pero ang mas masaklap, dahil sa kulunus-lunos na kalagayan ng ilang evacuation center sa Zamboanga City, umabot na sa mahigit animnapu ang bilang ng namamatay dahil sa pneumonia at dehydration habang nananatili sila sa evacuation center. Karamihan sa mga biktima, mga batang edad lima pababa. Isa sa mga nasawi dahil sa bronchopneumonia ang anak ni Nor-aini na si Adimar.
 

 
Habang hindi pa lubusang natutugunan ang mga pangangailan ng mga Internally Displaced Person o IDP sa Zamboanga City na umaabot na sa dalawampu’t anim na libo ang bilang, malaking hamon sa gobyerno na panatilihin ang katahimikan at matiyak na hindi na mauulit ang kaguluhan.

Huwag palalampasin ang mas pinakalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan at pamahalaan. Abangan ang Reporter’s Notebook ngayong Martes, ika- 4 ng Pebrero, 11:30PM sa GMA-7 pagkatapos ng Saksi.