Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Bisperas ng Pag-asa,' isang pamaskong handog


BISPERAS NG PAG-ASA
Reporter’s Notebook Christmas Special
Ulat nina Jiggy Manicad at Maki Pulido
December 24, 2013, 11:30PM
 
Sa loob ng isang taon, iba’t-ibang kwento ng mga bata ang aming iniulat. Ngayong bisperas ng Pasko, babalikan ng Reporter’s Notebook ang mga batang nakilala nina Maki Pulido at Jiggy Manicad sa gitna ng mga kuwentong kanilang tinutukan ngayong taon.
 
 
 
Sa pagtama ng mga malalaking kalamidad sa bansa, labis na naapektuhan ang maraming kabataan. Sa Bohol, nakilala ni Jiggy Manicad si Kyla, sampung taong gulang. Nawasak ng magnitude 7.2 na lindol ang kanilang tirahan. Sa Tacloban City, nakilala naman ni Maki Pulido si Raphael, labing-isang taong gulang at may pitong kapatid. Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Yolanda, tinangay ng storm surge ang kanilang ama. Malaking problema ng kanilang ina kung paano sila makakaraos sa araw-araw lalo na’t winasak ng bagyo ang lahat ng kanilang gamit pati ang kanilang bahay.
 
 
 
Isiniwalat rin ng Reporter’s Notebook ang kalunus-lunos na kalagayan ng ilang kabataang tila napagkaitan ng pagkaing lalaman sa kanilang tiyan at tubig na papatid sa kanilang mga uhaw. Sa NIA Road sa Quezon City, nakilala naman namin si Julie Ann, sampung taong gulang. Natuklasan naming may ulcer si Julie Ann, marahil dahil sa maraming beses na siya’y gutom. Uhaw naman sa malinis na tubig ang problema ng maraming bata sa Isla Patnanungan sa probinsya ng Quezon. Gaya na lamang ng magkapatid na Heart at Kenrex. Pareho silang malaki ang tiyan, matamlay at payat ang pangangatawan. Ang itinuturing sanhi ng kanilang karamdaman, maruming tubig na kanilang iniinom.
 
 
Ang mga batang sa murang edad ay nagbabanat ng buto, isa rin sa isyung aming tinutukan gaya na lamang ng mga batang magtatanso. Sa mga basurahan nakakahanap ng mga pira-pirasong kable ng kuryente ang mga bata. Ang mga napupulot namang kable, sinusunog upang makuha ang tanso. Panguinguha naman ng mga suso ang ikinabubuhay ng ilang kabataan sa bayan ng Daraitan sa Rizal. Malaking tulong raw ang kinikita nila rito upang makapagpatuloy sila sa pag-aaral.
 
Samahan sina Maki Pulido at Jiggy Manicad na kumustahin ang mga bata ngayong Martes. Huwag palalampasin ang BISPERAS NG PAG-ASA, REPORTER’S NOTEBOOK CHRISTMAS SPECIAL ngayong ika-24 ng Disyembre pagkatapos ng Saksi.
Tags: prstory