Illegal logging sa Sierra Madre sa 'Reporter's Notebook' special report ni Jiggy Manicad
Napabayaang Yaman: Black Sand Mining and Illegal Logging Trail Special
Airing Date: July 31, 2013
Sa ikalawang bahagi ng natatanging ulat ng Reporter’s Notebook, sisiyasatin ni Jiggy Manicad kung bakit nagpapatuloy ang illegal logging sa kabundukan ng Sierra Madre.
Sa kabundukan ng Sierra Madre sinasabing matatagpuan ang isa sa pinakamalawak na forest cover sa buong bansa. Katunayan, mahigit 40 watershed ang dito matatagpuan. Pero ang nakababahala, ilan sa mga idineklarang watershed, kinalbo at kinalakal na ang mga punong kahoy. Sa pagpunta naming sa Dingalan, Aurora, tumambad sa amin ang isang malaking bahagi ng Sierra Madre na putol na ang mga puno. Nagkalat din sa dinaanan ng Reporter’s Notebook ang mga naputol ng punongkahoy. Kasama naman ang isang grupo mula sa Philippine Army, Philippine National Police at DENR, sinuyod namin ang bahagi ng Sierra Madre sa Rodriguez, Rizal. Dito ilang punungkahoy rin ang na-retrieve ng grupo.
Isa sa nakikitang problema, ang kakulangan ng mga forest ranger na nagbabantay ng ating mga kagubatan. Ayon sa tala ng DENR, sa buong bansa nasa dalawang libo lang ang kabuuang bilang ng mga forest ranger o bantay gubat. 1 is to 8000 hectares ang ratio ng forest ranger sa binabantayan nilang kagubatan. Kulang na nga ang kanilang bilang, minsan buhay pa ang nagiging kapalit ng kanilang hangaring maprotektahan ang kagubatan. Ganito ang sinapit ng magkapatid na Jerwin at Jessie Comendador, mga forest ranger ng DENR-Laguna na naipit sa isang ambush nito lang July 15 habang kinukumpiska ang mga pinutol na punong-kahoy mula sa Sierra Madre.
Sa kabila ng mga batas na poprotekta sa kalikasan, bakit tila hindi natitigil ang pang-aabuso rito?
Huwag palalampasin ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaaan sa REPORTER’S NOTEBOOK ngayong Martes, ika-30 ng Hulyo pagkatapos ng Saksi.