PHOTO ESSAY: Ang kalbaryo ng mga batang manggagawang sina Junior at Mary Joy
Ayon sa National Statistical Coordination Board o NSCB, ang CARAGA Region ang may pinakamataas na bilang ng mga mahihirap na bata sa bansa. Sa barangay Valentina, La Paz, Agusan del Sur, nakilala ng Reporter’s Notebook ang batang magkatapid na sina Junior at Mary Joy, at ang kanilang amang si Avelino. Labindalawang kilometro ang nilalakad ng pamilya araw-araw sa bundok upang manguha ng mga trosong maaaring ibenta.
Upang makabalik sa kanilang bahay, sumusuong pa sa ilog ang pamilya. Itinatali nina Junior at Mang Avelino ang mga troso para hindi ito maghiwa-hiwalay at mawala.
Pagdating sa lupa, magsisimula na ang totoong kalbaryo ng mag-aama dahil kailangan na nilang ipasan ang mga nakuhang troso na may 50 kilo ang bigat, kasimbigat ng isang kabang bigas at mahigit triple ng bigat ni Junior. Kailangan itong gawin ni Junior at Mary Joy dahil ayon sa kanilang ama na si Mang Avelino, “hindi ko na kayang buhatin [ang mga troso], matanda na ako.” “Mahirap kasi ang bigat ng aking dala,” sabi ni Junior. Ang limang pirasong troso ay katumbas ng P720. Pero dahil inaabot ng limang araw ulit bago makakuha ulit ng mga troso ang pamilya, halos P100 kada araw lang ang kanilang maaaring gastusin. Para makaraos ang mag-aama, ang ginagawa nila’y bibili ng isang kilo ng kanin kada araw at ihahalo sa asin o betsin. Kung si Mang Avelino lang daw ang masusunod, nais niyang mapagtapos ang mga anak kahit hanggang high school lamang. “Magtrabaho na muna kayo kasi hindi [ko] na kaya,” sabi ni Mang Avelino. “Kung may makatulong, gusto ko sanang na makapag-aral sila,” dagdag pa niya.
Ayon kay Elizabeth Usigan, ang head teacher ng Lope Cortes Elementary School sa La Paz, Agusan del Sur, pinaghahatian ng 250 estudyante ang limang silid-aralan, ang apat na regular na guro at dalawang volunteer na guro. Karamihan sa estudyante ng Lope Cortes Elementary School ay hindi na nakatutuntong ng high school dahil malayo ang high school sa bahay ng mga estudyante. Dagdag pa rito, isang estudyante lang daw ng nasabing elementary school ang kumpirmadong nakapagtapos ng kolehiyo sa mahigit 30 na taon.
Sa 14 na Grade 6, nasa 10 lang daw ang makapagtatapos dahil unang prioridad daw ng mga bata sa lugar ang paghanap ng pera at pagkain para sa pamilya at ikalawang prioridad na lamang daw ang pag-aaral.
Kung si Junior ang tatanungin, mas gusto niya raw na pumasok sa paaralan kaysa magtrabaho upang magbasa; paboritong subject niya raw ang Math. —Ria Landingin, CM/PF, GMA News