Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Reporter's Notebook celebrates 7th Anniversary this October 4


Mahigit pitong libong isla ang biyayang ipinagkaloob sa Pilipinas. Bawat isa, may natatanging ganda at maipagmamalaking likas-yaman. Mga islang tunay na maihahambing sa pinakamagagandang pulo sa buong mundo. Marami ang nabibighani sa gandang taglay ng ating bansa, pero marami rin ang nagkakainteres sa mga yamang ito. Sa ika-pitong taong anibersaryo ng premyadong investigative news magazine program na Reporter’s Notebook, isang natatanging paglalakbay ang gagawin nina Jiggy Manicad at Maki Pulido mula Luzon, Visayas at Mindanao upang hanapin ang mga likas-yaman na sinasabing kinakalakal at pinagkakakitaan. Mula sa mga islang isinapribado, kabundukan at kagubatang kinalbo hanggang sa iba’t ibang mineral na ninakaw at ipinuslit, siyasatin kung paano nakalusot sa mga otoridad ang mga transaksyon lalo pa’t marami sa mga naturang yaman ay deklarado bilang protected areas. Mula nang mabuo ang Reporter’s Notebook noong 2004, umani na ito ng mga tropeyo’t medalya sa loob at labas ng bansa. Kabilang sa mga nagbigay parangal ang New York Festivals, Asian Television Awards, United States International Film and Video Festival, Telly Awards at UNICEF Child Rights Award. Ngayong taon, ang Reporter’s Notebook lamang ang programa sa Pilipinas na nakapasok sa preliminaries ng prestihiyosong Japan Prize. Sa ika-pitong taon ng Reporter’s Notebook, patuloy pa ring tinutupad ng programa ang misyon nito sa publiko na maghatid ng mga napapanahon, maiinit at makabuluhang kuwento na may saysay sa buhay ng bawat Pilipino. Walang takot pa rin nitong ginagampanan ang paghahanap at paglalantad sa katotohanan sa anumang isyu.