Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Reel Time presents 'May Bukas Ba?'


 



Reel Time Presents May Bukas Ba?

Kalahating milyong Pilipino ang nawalan ng tirahan at kabuhayan nang sumabog ang Bulkang Taal noong Enero. Mahigit tatlong bilyong piso ang naging pinsala sa agrikultura at mga ari-arian . Mahigit isang buwan makaraan ang kalamidad, wala pa ring kasiguruhan na magbabalik sa normal ang buhay ng mga residente, lalo na’t malaki pa rin ang posibilidad na ito ay sumabog muli. Gaano nga ba kahirap bumangon mula sa kalamidad?

Walang pinipili ang kalamidad – anuman ang iyong kasarian, edad, o katayuan sa buhay. Pero ayon sa World Health Organization, ang mga bata, buntis, matatanda, at mga maysakit ang siyang pinakapaektado sa lahat. Sila ang populasyon na pinakamaliit ang kakayahang iligtas ang mga sarili sa oras ng kalamidad.

Si Jocelyn, sa kabila ng sakit sa pag-iisip, nagagawa pang tumulong sa mga kapuwa niya evacuee. At habang katulong siya sa pag-eempake ng mga babalik na sa kani-kanilang mga bahay, patuloy siyang nananatili sa evacuation center. Balot pa rin kasi ng alikabok ang nasira nilang bahay na nasa loob ng 14-km danger zone. Darating pa nga ba ang araw na siya naman ang lilisan sa evacuation at uuwi sa kaniyang sariling tahanan?

Si Benjamin naman, mag-isang sinusuong ang mga pagsubok na dala ng pagsabog ng bulkan at ng stroke na umatake sa kaniya. Sa tulong din ng ibang evacuees, umaasa si Benjamin na malalagpasan ang problema sa kabila ng kaniyang edad at kondisyon. Hiling niyang makabalik na lang sa Bicol upang doon magpagaling.

Tunghayan ang kuwento ng kanilang patuloy na pakikibaka sa Reel Time Presents May Bukas Ba? ngayong Biyernes, Pebrero 21, 7:15 ng gabi sa GMA News TV.