Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Reel Time presents 'Buntis sa Piitan'


 


REEL TIME PRESENTS: BUNTIS SA PIITAN
January 31, 2020


Sa loob ng siyam na buwan, pag-aaruga ang ibinubuhos ng isang babae sa buhay na nasa loob ng kaniyang sinapupunan. Isang espesyal na yugto nga raw ito lalo’t magdudulot ng malaking pagbabago ang pagkakaroon ng anak.

Pero paano kung sa panahon ng pagbubuntis, kasama ng ina ang kaniyang dinadalang sanggol sa loob ng kulungan? Paano kung ang mismong sanggol, napagkakaitan din ng kaniyang mga karapatan?

Si “Mary”, hindi niya tunay na pangalan, ay isa sa 1,102 kababaihan na nakakulong ngayon sa Manila City Jail Female Dormitory, dahil sa kaso kaugnay ng droga. Disi otso anyos siya, at kasalukuyang siyam na buwang buntis sa ikalawa niyang anak. Pangamba niya araw-araw ang kalusugan ng kaniyang sanggol dahil marami raw ang kaso ng sakit na Tuberculosis sa kulungan. Lalo’t walang espesyal na kuwarto ang piitan para sa mga gaya niyang nagdadalang tao.

Samantala, naglalaman naman ng 3,374 Persons Deprived of Liberty o PDLs ang Correctional Institution for Women sa lungsod ng Mandaluyong. Kasalukuyang may tatlong sanggol sa loob ng ‘Mother’s Ward’ sa kulungan. Pero kahit pa nadadagdagan ang bawat araw na kapiling ang kaniyang sanggol, mas gugustuhin pa raw ni “Rica”, hindi niya tunay na pangalan, na mailabas na sa piitan ang kaniyang anak.

Wala kasing mga bakuna o gamot para sa mga sanggol sa loob ng Correctional.  Titiisin raw ni “Rica” na mawalay sa kaniyang anak at ipa-ampon ito sa iba para mabigyan ito ng mas magandang kinabukasan. Kung hindi nga lang daw siya inabandona ng kaniyang pamilya, matagal na sana niyang ipinakuha sa kanila ang sanggol.

Anu-ano nga ba ang mga pagsubok na kinahaharap ng isang ina na walang kalayaan? May sagot nga ba sa lahat ng kanilang pangangailangan?

Ngayong  Biyernes, silipin natin ang mundo ng mga nanay sa likod ng rehas. Reel Time presents “Buntis sa Piitan” January 31, 2020, 7:15 pm sa GMA News TV.