Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kahalagahan ng manika sa tao, alamin!


 


REEL TIME PRESENTS MANIKA

Laruan, pambata, pang-horror movie --- iyan ang karaniwang tingin sa mga manika. Ilang beses na silang naging bida sa mga palabas sa telebisyon at pelikula, hindi lang sa Pilipinas, kundi hanggang Hollywood pa!

Noong unang panahon, ang mga manika ay ginagamit sa magic at religious rituals sa buong mundo. Bagama’t itinuturing na ring isang klase ng art, ang mga manika sa modernong panahon ay mas kilala bilang laruan ng mga bata. Sa pagpasok ng 1900s, naging popular na collectible na rin ang mga manika dahil sa kanilang entertainment, cultural, historical, artistic, o sentimental value.

Pero maraming tao ang hindi nauunawaan ang mga kulektor. Para sa ilan, ang paglalaro ng manika ay ‘pambata lang’. Ang iba naman, hindi maintindihan kung bakit gumagastos ang mga kulektor sa mga bagay na wala naman daw pakinabang. Pero bakit nga ba may mga taong nahihilig sa mga manika kahit na ito ay ‘pambata lang’ at ‘walang gamit’?

Para kay Allen, ang mga manika ay stress reliever at nagbibigay ng saya sa kaniya. Sa edad na 27, gusto na rin daw ni Allen na magkaroon ng anak pero hindi pa siya handa sa mga responsibilidad na kaakibat nito. Kaya naman sa ngayon, ang mga manika muna niya ang pinagtutuunan niya ng pansin.

Si Charlie naman, natuto raw ng pasensiya sa pangungulekta at pag-aalaga ng mga manika. Kaya naman nang ampunin niya ang isang batang may down syndrome, hindi na raw naging mahirap para sa kaniya.

Habang si Ralph, mas lumakas raw ang tiwala sa sarili dahil sa pagmi-make over ng mga manika. Dati raw kasi, walang naniniwala sa kakayahan niyang magpinta. Pero nang madiskubre niya ang pagpipintura ng mga mukha ng mga manika, marami ang humanga sa kakayahan niya bilang artist.

Bakit nga ba patuloy ang pagmamahal nina Allen, Charlie, at Ralph sa kanilang mga manika sa kabila ng pangungutya sa kanila ng ibang mga tao? Kilalanin sila sa Reel Time Presents Manika, ngayong Biyernes, 7:15 ng gabi sa GMA News TV.