Paano nakatutulong ang tirador sa buhay ng mga Aeta?

REEL TIME presents Tirador
June 22, 2019
Sabado, 9:15pm
GMA News TV
Tirador --- isang salita pero maraming kahulugan sa iba’t ibang sitwasyon. Puwedeng laruan, puwedeng armas, puwedeng kasangkapan, puwedeng isang ‘hitman’, at puwede ring isang ‘pusher” o ‘drug addict’. Pero mas kilala ang tirador bilang ang tinatawag na ‘slingshot’ sa English, isang uri ng simpleng projectile weapon o sandatang panudla na karaniwang gawa sa kahoy at goma.
Sa Pilipinas, isang grupo ang nagsusulong na maging isang lehitimong sport ang paglalaro ng tirador. Sila ang Philippine Slingshot Federation na may halos tatlong libong miyembro. Sa mga bansang Italy, Spain, China, at USA, isang legal na uri ng palakasan ang paglalaro ng tirador. Habang sa Pilipinas, marami pa rin ang may hindi magandang impresyon dito. Kilala kasi ang tirador bilang isang armas na nakasasakit at nakasisira ng ari-arian. Itinuturing din ito ng ilan bilang isang laruang pambata lang. At ito ang nais na mabago ng organisasyon. Ayon sa PSF, bahagi na ng kulturang Pilipino ang tirador na dapat din nating panatilihin at pagyamanin.
Sa isang sitio sa Porac, Pampanga, bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga katutubong Aeta ang tirador. Bukod sa laruan ng mga bata, ginagamit nila ang tirador sa panghuhuli ng ibon o palaka para maihain sa hapag-kainan. Karaniwang pagtatanim ng mga gulay ang hanapbuhay ng mga katutubo sa Sitio Pidpid. Sa panahong wala pang ani at walang kita, ang pagkain ng mga bungang-ugat at ibon ang bumubusog sa mga kumakalam na tiyan. Kung nagkakasiyahan ang mga bata sa pagtira ng lata bilang libangan, seryoso naman sila sa pagsipat sa mga puno, nagbabakasaling may matamaang ibon para sa kanilang pananghalian o hapunan.
Ngayong Sabado, Hunyo 22, kilalanin natin ang mga tinaguriang “Slingshot Masters” ng Pilipinas at mga kabataang Aeta na hindi rin pahuhuli pagdating sa asintahan. Sama-sama tayong sumipat at umasinta sa Reel Time Presents Tirador, ganap na 9:15 ng gabi sa GMA News TV.