Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kaligtasan ng mga bata sa lansangan, tatalakayin sa 'Reel Time'


 
REEL TIME PRESENTS SA LANSANGAN
 
Ano nga ba ang mga elemento para maging viral sa social media ang iyong istorya? Isang awtentik na larawan, isang makabagbag-damdaming kuwento, at pangyayaring kapupulutan ng aral. Lahat ng iyan ay nasa viral photo ni Prince, ang tinaguriang Kesong Puti Boy. Makikita sa larawan ang nakangiting si Prince at ang kuwentong kalakip ay naglalarawan ng isang napakasipag na bata. Kaya naman mahigit 23,000 na ang share ng post na ito. Pero marami pang ibang bagay sa likod ng viral na larawan.
 
Sa edad na sampu, naghahanapbuhay na si Prince upang makatulong sa kaniyang ama, ina, at anim pang kapatid. Dalawang buwan siyang natigil sa pag-aaral nang kinailangang araw-araw na siyang magtinda ng kesong puti dahil sa pagkakasakit ng kaniyang ama. Mula umaga hanggang gabi, nasa lansangan ng Makati si Prince.
 
Isa lamang si Prince sa may 30,000 kabataang nasa lansangan sa buong Metro Manila. Sila ang mga tinatawag nating street children. 75% sa mga street children na ito ay may mga tahanan pa namang inuuwian pagkatapos na magtrabaho o mamalimos sa kalsada (Source: Hope.org.ph) --- tulad ni Prince na nasa Laguna ang tahanan pero sa Makati nagtitinda. At habang nasa kalye, ang mga batang ito ay nalalantad sa mga mapanganib na elemento tulad ng gutom, pagkakasakit, pang-aabuso, eksploytasyon, disgrasya, at pagkamatay. 
 
May mahigit 6,000 tao na ang namamatay sa giyera laban sa droga ng gobyerno mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 14. Karamihan dito, bunga umano ng mga lehitimong operasyon ng mga pulis habang ang ilan sa bilang na ito ay sanhi ng sinasabi nilang vigilante-style at “deaths under investigation” pa. (Source: PNP) Pero ang nakapanlulumo, kabilang din sa bilang na ito ang ilang inosenteng mamamayan at mga menor de edad na nadamay lamang.      
 
Sina Mark, 16 anyos, at Jonas, 11 anyos, limang taon nang naninirahan sa kalye matapos na iwan ng kanilang ina. Pagala-gala sila sa Tondo at Navotas upang mangalakal at mamalimos. Ilang patayan na rin daw ang nasaksihan ng magkapatid nito lamang mga nakaraang buwan. Ang isa nga rito, nangyari sa mismong harap nila --- isang lalaki ang binaril ng isang armadong salarin. Wala umanong nagawa ang magkapatid kundi ang magtaklob at hindi kumilos dahil sa takot na pati sila ay barilin.
 
Sa gitna ng napakaraming patayan gabi-gabi, isa sa mga nalalagay sa malaking panganib ang mga batang nasa lansangan. Maaari silang makasaksi ng krimen o ‘di kaya ay masugatan at mapatay rin. Sa pag-igting ng kampanyang ito ng pamahalaan kontra droga, naging mas ligtas nga ba ang ating mga lansangan lalo na para sa ating mga kabataan? Panoorin sa Reel Time Presents Sa Lansangan ngayong Sabado, ika-17 ng Disyembre, 9:15 ng gabi sa GMA News TV.