Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Industriya ng kape sa Pilipinas, tatalakayin sa 'Reel Time'


 

Malamang naging partner mo na siya sa puyatan, karamay sa pagka-cram. Maraming kuwentuhan niyo na rin ni BFF ang narinig niya. Pinakaba ka na niya. Nakasama mo na siya tuwing pahinga o bago magsimula ang iyong umaga.

Aroma pa lang niya, may sipa na. Sa bawat higop sa kanya, tiyak magigising ka.

Pumapangalawa sa tubig ang kape sa pinakamadalas inumin sa buong mundo. Sa Pilipinas pa lang, tinatayang 222 tasa ng kape ang iniinom ng bawat Pilipino kada taon.

Pero hindi lang tayo bansa ng coffee drinkers. Kilala rin tayong coffee producer. At hindi gaya ng ibang bansa, lahat ng apat na variety ng kape, pinapatubo sa Pilipinas.

Panahon pa raw ng mga Kastila ng magtanim ng kape ang mga lolo at lola ng 63-taong gulang na si Lolo Lucas sa Lipa, Batangas. Ginto raw kung ituring noon sa Lipa ang kape. Sa bawat ani, nakakabili raw ang kanyang mga magulang ng lupain. Kape ang nagtaguyod sa kanilang magkakapatid noon at siya ring nakapagpatapos sa mga anak niya ngayon.

Itinanim ng mga prayle ang unang puno ng kape sa Lipa, Batangas noong 1740. Ikaapat ang Pilipinas sa mga top producer ng kape sa mundo. Isa tayo sa mga pangunahing nagsusuplay ng kape sa Amerika at Europa noon. Nang mapeste ang mga taniman ng kape ng Brazil, Africa, at Indonesia noong 1890s, tanging ang Pilipinas ang nag-supply ng kape sa buong mundo.

Pero di naglaon, nakarating din ang peste ng kape dito sa Pilipinas noong 1896 na bumura sa halos lahat ng taniman ng kape sa bansa. At sa pagdaan ng mga digmaan, tuluyan nang hindi nakabangon ang industriya hanggang ngayon.

Kaya ang mga tulad ni Joel Iyaya ng Amadeo, Cavite, pinutol ang ekta-ekatrya nilang kapihan. Wala na raw kasing bumibili at kung mayroon man, bagsak presyo naman. Repolyo at pipino na ang itinatanim niya ngayon.

Sabi nga, lumalamig ang kape kapag napabayaan. Paano nga ba kung ang pampagising ang dapat gisingin?

Ngayon, wala pa isa 1% ng napoporodyus na kape sa buong mundo ang nagagawa natin. Sa demand ng kape sa Pilipinas, 25% lang ang natutugunan natin. Ang 75%, inaangkat na natin mula sa ibang mga bansa.  Mula sa pagiging top exporter, importer na tayo ng kape ngayon.

Humigit kumulang 7 bilyong piso ang halaga ng inaangkat nating kape. Halagang mas mainam sana kung sa mga magsasaka natin mapupunta.

Pero change is... brewing na nga ba?

Muntik na raw sukuan ni Mina ng Atok, Benguet ang pagtatanim ng kape. Pero nang iproseso niya ang kanyang mga kape sa specialty o mataas na kalidad na kape, naibebenta na raw niya ito sa dobleng presyo. Si Marivic naman ng Digos City, Davao Del Sur, kinukulang na raw ang ani para matugunan ang demand sa kanilang high grade coffee.

Maibabalik nga ba natin ang dating init ng industriyang minsan tayong nanguna?

Sugar or no sugar, creamy o puro, matapang o tama lang, instant o freshly-brewed. Ano man ang iyong timpla, tiyak magigising ka ngayong Sabado. Tunghayan ang mga kwentong hinabi ng kape mula Luzon hanggang Mindanao. Inihahandog ng REEL TIME ang KAPENG PINOY, 9:15pm sa GMA News TV 11.

Tags: reeltime