Silipin ang mga 'Dream Home' nina Ms. Dina Bonnevie at Bea Binene
BIYERNES
10:30 NG UMAGA
GMA
DREAM HOME NINA BEA BINENE AT MS. DINA BONNEVIE
Dalawang aktres, parehong namulaklak ang galing sa pag-arte sa kanilang kadalagahan. Silipin natin ang mga tahanang nabuo nila sa pagkayod sa mundo ng showbiz, ang kani-kanyang Dream Home nina Dina Bonnevie at Bea Binene.
Umaani ng papuri para sa kanyang bagong role bilang wild child, pero marami munang pinagdaanan at patuloy na pinagtatagumpayan ang young actress na si Bea Binene.
Anim na taong gulang nang sumabak sa pag-aartista bilang isa sa Final 14 ng Starstruck Kids Batch 1 si Bea. Bata pa lamang daw ay pangarap na niyang umarte. Sa pagtungtong niya ng 18 anyos, paano nga ba nalagpasan ni Bea ang mga pagsubok ng pagiging artista para magtagumpay at maipatayo ang pinapangarap na tahanan?
Parang dollhouse na nabigyang buhay ang tatlong palapag na tahanan ni Bea. Ito raw ay bunga ng kanyang pinaghirapan sa showbiz bilang artista. Hindi raw maikakaila na babae ang may-ari ng tahanang ito dahil naglipana ang pastel colors at may floral design sa dining area. Pink ang motif ng kuwarto ni Bea at dito rin makikita ang koleksyon niya ng make-up, relo, shades at bags.
Ang third floor na bahay naman ang naging imbakan ng sapatos. Ang isa sa kanyang mga sapatos nagkakahalaga raw ng P27,000 pero hindi pa raw niya ito nasusuot dahil hindi kumportable. Bukod sa mga ito, mahilig din si Bea sa aso kaya ang alaga niyang chow chow at shitzu kasama rin niya sa loob ng tahanan.
Hindi lang daw sa pagharap sa kamera may talento si Bea dahil maging sa kusina expert na rin siya sa pagbe-bake. Hindi lang pala artista, kungdi negosyante rin itong si Bea! Ituturo at ipatitikim niya kay Kara ng kanyang milk chocolate chip cookies at lemon muffin. Maliban sa kumikita siya, nagiging stress reliever rin daw niya ang paggawa ng baked goodies.
Si Mommy Carina ever present naman sa buhay ni Bea, siya raw ang nagsisilbing yaya, driver, ATM machine at kritiko niya. Mahigpit daw ito lalo na sa mga manliligaw pero dahil busy lagi si Bea sa soap na Hanggang Makita Kang Muli, posible kayang sa co-star niyang si Derrick Monasterio mahulog ang loob ng ating bida?
Ang bahay na naipundar ni Ms. Dina Bonnevie sa Quezon City, at ang bahay nilang mag-asawa sa Ilocos, papasyalan rin ng Dream Home.
Elegante man si Ms. D sa harap at likod ng kamera, walang kiyeme siyang naglilinis at nagluluto sa kanyang tahanan. Ipinapakita niya sa kanyang mga kasambahay kung paano linisin ang mantsa sa sahig, kung paano magpalit ng kobre kama na mala-hotel ang ayos, at magluto ng espesyal na mga putahe.
Kinuwento rin ni Dina kay Kara kung paano siya nagsimula sa mundo ng showbiz at kung paano niya napatunayan na hindi lang siya isang pretty face, may utak at talento rin siyang hindi dapat balewalain. Matapos ang sunod-sunod na pagkabigo sa kanyang love life, natagpuan na nga ba ni Ms. D ang kanyang Mr. Right sa Ilocos?
Ngayong Biyernes, abangan ang kuwento ng pangarap at tagumpay nina Ms. Dina Bonnevie at Bea Binene kasama si Kara David sa Dream Home, 10:30am sa GMA.