Kapuso reporter Chino Gaston at tuyo vendor Betty Arcillas, ipasisilip ang kanilang 'Dream Home'

DREAM HOME: KAPUSO REPORTER CHINO GASTON
AT TUYO VENDOR NANAY BETTY ARCILLAS
BIYERNES | 10:30 NG UMAGA | GMA-7
Isang matapang na mamamahayag at isang matatag na tindera sa palengke, ano ang pagkakapareho?


Sa mahigit isang dekadang pagiging mamamahayag, naipakita na ni Chino Gaston ang katapangan sa pagbabalita sa gitna ng matitinding trahedya. Mula sigalot sa Zamboanga, hagupit ng Yolanda, hanggang sa trahedya ng tsunami sa Japan, si Chino ang naging saksi. Dahil sa kanyang pagpupursige bilang reporter, nakamit niya ang tagumpay sa pangarap na karera at nakapagpatayo ng tahanan para sa kanyang pamilya.


Minimalist ang tema ng tahanan ni Chino. May apat na palapag, puti ang mga dingding at maaliwalas ang loob nito. Napaliligiran din ito ng mga pananim na kadalasang ginagamit nilang sangkap sa pagluluto. Sa pagpasok pa lang ay bubungad na ang pintuang mula pa raw sa ancestral home ng kanyang asawa.

Karamihan daw sa display sa loob ng kanyang bahay ay mula pa sa mga lugar kung saan siya nagkaroon ng coverage. May ilang kahoy na nabili niya umano sa mga survivor ng bagyong Yolanda at may bola ng kanyon din na nakuha niya habang naka-assign noon sa Zamboanga. May loft din ang kanyang bahay kung saan matatagpuan ang koleksyon ng bisikleta ni Chino.

Sa ikalawang palapag naman makikita ang entertainment room ng pamilya. Bukod sa master's bedroom at kuwarto ng kanyang mga anak, sa ikatlong palapag din matatagpuan ang mga kasalukuyang kinahuhumalingan ni Chino kabilang ang ilang gadgets at drone camera. Sa garahe naman ay ipakikita rin niya ang mga big bike na ibinebenta niya.

Ang kusina raw ang pinaka-paboritong beat ni Chino sa loob ng bahay. May maliit na lamesa na kinakainan nilang mag-anak at may moveable island table dito kung saan nagluluto rin si Chino. Walang takot sa pagbabalita, wala ring sinasanto sa kusina si Chino kaya sa pagkakatong ito, ipakikita niya kung paano magluto ang espesyal niyang roast beef, fresh lettuce salad at pasta with Gaston's gourmet tuyo.

Tatlong taon nang gumagawa ng gourmet tuyo si Chino at ang asawa niya. Nagsimula sila sa pagreregalo sa mga kaibigan at kamag-anak tuwing pasko, pero ngayon dagdag kita na rin sa mag-asawa ang pagbebenta nito.

Kung si Chino kakasimula pa lamang sa negosyong tuyo, si Nanay Betty Arcillas naman mahigit tatlong dekada na sa pagbebenta nito.

P1,500 ang kapital noon ni Nanay Betty. Sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa palengke ay nakapag-ipon siya at nakapagpundar ng pinapangarap na bahay. Bukod sa bahay, nakabili siya ng ilang ari-arian at nakapagtapos sa kolehiyo ang kanyang tatlong anak. Ang isa nga, sa Australia pa nag-aral habang ang isa ay nagtatrabaho na sa Estados Unidos. Ano kaya ang sikreto ng kaniyang pag-asenso?

Kahit nga raw may edad na siya ay hindi niya matalikuran ang pagbebenta ng tuyo sa palengke dahil ito ang nagbigay sa kanya ng swerte sa buhay. Para ibahagi ang biyayang ito, ituturo ni Nanay Betty ang paggawa ng masarap na gourmet tuyo para sa mga gustong gayahin ang kanyang recipe for success.

Ngayong Biyernes, samahan si Kara David na lasapin ang tagumpay mula sa negosyong tuyo ni Nanay Betty Arcillas at makipagbalitaan sa reporter na si Chino Gaston sa kani-kanilang Dream Home, 10:30 am sa GMA.