Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Dream Home

Kilalanin ang nangangalakal ng basura na naging restaurateur!


 


 

Isang successful businesswoman na nagmamay-ari ng restaurants at bars sa Pilipinas at Japan, matinding paghihirap ang pinagdaanan ni Maan Watanabe noong kanyang kabataan. Naiiyak niyang ikinuwento kay Kara David kung paano niya naranasang hindi makakain nang tatlong araw, at habang nangangalakal ng basura ay ipinangako niya sa sariling hindi na niya babalikan ang ganoong buhay. Bagamat nakapag-asawa ng Hapon, ang maganda niyang buhay ay dala ng purong pagsisikap at hindi ibinalato ng tadhana.

 


 

Dating may kaya sa buhay ang pamilya ni Maan, hanggang mamatay ang kaniyang ama. Nang malulong ang kaniyang ina sa bisyo  at unti-unting nawala ang kanilang mga ari-arian kabilang na ang kanilang bahay, noon lang daw sila nakaranas ng matinding kahirapan. Maliban sa pangangalkal ng basura, nagtinda ng kakanin at nakipagsalaparan bilang entertainer sa Japan si Maan sa napaka-murang edad.  Hindi naging madali ang pagtatrabaho niya sa ibang bansa at naranasan rin niyang maabuso. Paano nga ba nabawi at nahigitan ni Maan ang mga bagay na nawala sa kanya?

 


 

Pinangarap niyang maiahon ang kanyang pamilya, at dala ng pagiging maabilidad kalaunan ay naipatayo rin ni Maan ang inasam-asam na tahanan sa Pilipinas. May sukat na 350 square meters at may dalawang palapag ang bahay na  naipatayo ni  Maan sa may Angono, Rizal.

 


 

Pangarap daw niya ang maging reyna kaya naman ginto ang tema ng kaniyang bahay. Ang sofa sa living room ay mula pa sa Italya at nagkakahalaga raw ng  mahigit tatlong daang libong piso. Makikita rin dito ang koleksyon ng relo ni Maan na nabili niya mula sa ilang auction sa Japan. Isa rito, nagkakahalagang dalawang daang libong piso!

 


 

Sa lahat ng pinagdaanan ni Maan sa buhay, isa lang daw ang kinapitan niya kaya naman naglaan siya ng isang silid para sa mga life-size na santo na kaniya ring ipinasadya.

 


Ang kaniyang silid, kumikinang din dahil sa mga kulay gintong kagamitan niya rito. Bukod sa gowns na sinusuot ni Maan sa Japan, ipinakita rin niya ang kaniyang mga kimono na nakatago sa kaniyang silid. Alamin sa kaniya ang iba't ibang paraan sa pagsusuot ng kimono depende sa okasyon.

Sa ilang taong pagtatrabaho sa Japan, natagpuan din ni Maan ang kaniyang forever sa katauhan ng isang Hapones na businessman. Noong una raw ay hindi pa nito alam ang tunay na kasarian ni Maan pero hindi nagtagal ay ibinunyag na rin niya ang katotohanan. Ipinanganak na lalaki pero may pusong babae raw si Maan Watanabe.  Anim na taong gulang pa lang daw siya nang madiskubre niya ito. Sa halip na iwan at talikuran ay pinakasalan ng kasintahan si Maan. Nang makapag-ipon ay nagpaopera na si Maan para maging ganap na babae.

 


Tags: pr