Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang kumukutitap na kuwento ng Policarpio Street, magniningning sa 'Powerhouse'


 

 
Tuwing sasapit ang  Disyembre, damang-dama na raw agad ang pasko sa Policarpio Street sa Mandaluyong City. Para ngang bumaba ang mga bituin sa kanilang kalye dahil sa mga nagniningning na ilaw at dekorasyong pamasko sa ilang bahay na naging atraksyon na rin dito.  Naging panata na ng dalawang residente ng Policarpio Street ang magbigay ng saya kahit sa maliit na paraan.

 

 

 

Dating  nagtatrabaho sa Malacanang si Ginang Carmen Delos Santos o mas kilala sa tawag na Tita Ching. Mula kay Presidente Diosdado Macapagal hanggang sa anak nitong dating Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ay nanilbihan siya sa Office of the Press Secretary. Kung saan-saang bansa raw siya nakararating, at kadalasan daw ay Christmas Season nagkakataon ang kanilang biyahe kaya pagbalik sa Pilipinas tiyak daw na may bitbit siyang Santa  Claus  souvenir.

 

 

 

May Santa Claus raw na sumasayaw, kumakanta, nakasakay sa motor, lumalabas sa chimney, nanghuhuli ng isda , at marami pang iba. Pero sa kaniyang buong koleksyon, ang pinakapaborito niya ay ang kauna-unahang  Santa Claus na kanyang  nabili na mahigit tatlong dekada na raw ang tanda.

 

 

 

Mahigit tatlong libong uri ng Santa Claus ang nakatira sa tahanan ni Tita Ching. Sa gate pa lang daw ay may nakabantay nang Santa  Claus at ilang inflatables na mula pa raw sa Texas, U.S.A. Bata pa lang daw si Tita Ching ay naniniwala na raw siya kay Santa Claus dahil alam niyang ang mabait na bata ay nireregaluhan nito tuwing pasko.

 

 

 

 

 

Si Norma Ong-Lim, may-ari ng isang dinarayong Chinese restaurant, ang nagpasimuno ng taunang pabonggahan ng Christmas decors sa Policarpio Street. Labing walong taon nang binibihisan ni Norma ang kanyang tahanan tuwing pasko. Kada taon ay iba-iba raw ang tema ng dekorasyon. Matatamis at makukulay na kendi ang tema ngayong taon.

 

 

Lumaki sa payak na pamilya si Norma kaya naman hindi raw siya nagkaroon noon ng maraming laruan at nakakita ng magarbong dekorasyong pamasko sa kanilang tahanan.  Ang pangarap niyang magkaroon ng  belen ay tinupad raw ng  isa niyang kaibigan.

 

Nagsimula sa maliit na belen, ngayon isang malaking belen na ang naka-display sa kaniyang bahay. Tila sinasalamin nito ang takbo ng buhay ni Norma, nagsimula siya sa maliit na karinderia hanggang sa naging restaurant na ito dahil sa kanilang pagtitiyaga. Bukod sa mga dekorasyong pamasko, makikita rin sa loob ng bahay ng koleksyon ng mga santo ni Norma at ng swarovski crystals.

 

Ngayong Miyerkules sa Powerhouse, samahan si Kara David na kilalanin ang mga tao sa likod ng kumukuti-kutitap na tahanan sa Policarpio street tuwing Pasko: ang nagpasimula ng tradisyon na si Norma Ong Lim at ang bahay ni Santa Claus sa Pilipinas na itinayo ni Carmen Delos Santos. Mapapanood ang Powerhouse tuwing Miyerkules, pagkatapos ng Destiny Rose sa GMA.

 


Tags: pr