Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Ang tagumpay ni Indian Ambassador to the Philippines Lalduhthlana Ralte, tampok sa 'Powerhouse'


 

 

Parehong hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang  kaniyang mga magulang at namuhay ang kanyang  pamilya nang  simple at hindi marangya. Naging tahanan ang kagubatan nang ilang taon pero ngayon ay nakatira na sa mansyon at may misyon na maging kinatawan ng kanilang bansa sa Pilipinas. Kilalanin ang Indian Ambassador to the Philippines, His Excellency Lalduhthlana Ralte at alamin ang sikreto ng kanyang tagumpay sa buhay. 

 

Lumaking malapit sa gubat si Ambassador Ralte. Mga salagubang daw ang kanyang naging kalaro  noong  bata pa siya. Sa halip naman na laruin ay mas gusto raw nilang kainin ang  mga gagamba na makikita sa paligid. Hindi raw  nalalayo  ang lasa nito sa kamaro ng mga Kapampangan.  Siyam na taong gulang daw siya nang makahawak ng electric switch dahil wala ring  kuryente sa kanilang lugar. Ang mga karanasang ito raw ang mas nagpatatag at nagbigay ng lakas ng loob kay Ambassador Ralte para magpursige sa buhay. 

 

2014 nang makarating siya sa bansa kasama ang asawa. Hindi naman daw siya nahirapan na tanggapin ang kultura ng ating bansa, katunayan marami nga raw tayong pagkakahalintulad. Pero may ilang bagay raw siyang nais na baguhin sa pagkilala natin sa mga Indiano, na madalas tawaging "Bumbay”. Ano kaya ang suhestiyon ni Ambassador Ralte sa sistema ng pagpapautang sa ating bansa na kung tawagi’y 5/6? 

 

 

Mahigit apat na dekada nang nakararaan nang bilhin ang dalawang palapag na bahay sa Makati ng  embahada ng India sa Pilipinas. May sukat itong mahigit 2000 square meters, may pool at garden din sa courtyard nito na tipikal sa mga tahanan sa India.

 

 

Isang hand woven carpet mula India ang sasalubong sa mga bisita pagpasok sa tahanan ni Ambassador Ralte. May temple bells ding nakasabit sa entrada nito na nagbibigay raw ng suwerte sa mga bisita.  

 

Sa entertainment area madalas daw magpulong ang mga kilalang tao sa lipunan kaya dito rin nakalagay ang ilang obra na mula pa sa India. May isang painting pa nga rito na gawa sa ginto, habang ang mga accent pieces ay gawa sa pilak! May bintana ring gawa sa kahoy na kaedad pa ng  bahay na ito, na para kay Ambassador ay patunay raw na pag gawang Pinoy, matibay.

 

 

Sa ikalawang palapag naman matatagpuan ang private area ng pamilya ni Ambassador Ralte. 

 

Sa kanilang dining room, may lamesang kaya paupuin ang 24 na tao, pero dahil simpleng pamilya lamang daw sila ay pinipili nilang kumain sa kusina kapag walang bisita. Doon, kapansin-pansin ang ilang sticky notes na iniwan ng kaniyang mga anak. Bukod sa pagiging opisyal ng kanilang bansa, isa rin daw photographer si Ambassador Ralte. Nasa kolehiyo raw siya nang makahiligan  ang  hobby na ito.


Ngayong Miyerkules, samahan si Kara David na libutin ang tahanan ni  Indian Ambassador to the Philippines  Lalduhthlana Ralte  dito sa Powerhouse. 


 

 

 

 

Tags: pr