Bakit laging kontrobersyal ang mga pelikula ni Direk Brillante Mendoza?
“Masahista,” “Serbis” at “Thy Womb” – ilan lang iyan sa mga pelikulang nilikha ni Direk Brillante Mendoza na naging kontrobersyal pero umani ng papuri at parangal sa loob at labas ng bansa. Ano nga ba ang kaniyang mga sikreto sa paggawa ng mga pelikula?
Ang pangarap na maging direktor
Nagsimula si Direk Brillante, o Dante para sa kaniyang mga kaibigan, bilang isang production designer sa mga commercial at pelikula bago siya maging direktor. Katunayan, umani siya ng mga parangal sa pelikulang ‘’Takaw Tukso’’ at ‘’Private Show’’ bilang “Best in Production Design” sa Gawad Urian noong 1987.
“Well, ang [trabaho ng] production designer is overall ikaw ‘yung bahala sa look at kung ano ‘yung itsura ng magiging pelikula” paglalahad ni Direk Dante.
Bagamat mahusay siya sa larangan na ito, ang tunay na sinisigaw ng kaniyang puso ay ang paggawa ng kaniyang sariling pelikula. Sinuwerte naman daw si direk Dante sa “Masahista,” ang unang obra na ginawa niya bilang isang direktor. Ito ay pelikula tungkol sa pagbebenta ng aliw ng mga kalalakihan sa kanilang mga parokyanong bading.
Taong 2005 nang manalo ito ng Grand Prize sa Video Category sa 58th Locarno International Film Festival sa Switzerland. Ngunit ayon kay Direk Dante, hindi raw niya inaasahan ang tagumpay nitong tinamasa sapagkat lahat sila sa production team ay baguhan pa lamang.
Tagumpay sa Cannes Film Festival
Dahil sa tagumpay ng ‘’Masahista’’ nagsunod-sunod na ang paggawa ni Direk Dante ng mga pelikulang tumatalakay sa mga isyu ng lipunan. Ilan sa mga ito ay ang ‘’Pantasya,” "Tirador” at ‘’Serbis” na nominado pa sa Golden Palm, ang pinakamataas na parangal sa Cannes Film Festival.
Siya rin ang kauna-unahang Pilipino na ginawaran ng parangal bilang pinakamahusay na direktor sa nasabing festival noong 2009 para "Kinatay,” isang pelikulang tungkol sa mga naatasang pumatay ng mga tao katumbas ng salapi.
Ultimo ang sikat na batikang direktor sa Hollywood na si Quentin Tarantino ay tinalo ni Direk Dante sa kompetisyon na ito.
“Just to be in that festival is really an honor. It’s really an overwhelming feeling. How much more kung manalo ka ‘di ba?” ani Mendoza.
Ngunit tila hindi lahat ay nagustuhan ang tema ng kaniyang pelikula. Kasabay ng paghakot niya ng mga parangal ang siyang pagbuhos ng negatibong komento ng kaniyang mga kritiko. Sa katunayan, may ilan pa ngang nagbansag sa kaniyang pelikula bilang “Worst Film in Cannes.”
“Noong una nasasaktan [ako] kasi critics will only look at your film, watch your film and judge the film. And you can’t please everybody.”
Pero hindi rin nagtagal, natutunan niyang isantabi ang mga komento ng kritiko dahil alam naman niya sa sarili niya na may ibubuga ang kaniyang mga obra.
“Three years in a row nasa Cannes ang pelikula ko, eh wala naman yatang filmmaker na kilala ko na merong pelikula sa Cannes every year. Kaya sabi ko na lang, ‘I don't mind if I have the worst film in Cannes!’
Ang sikreto sa paglikha ng pelikula
Tuwing gumagawa ng pelikula si Direk Dante, layunin niyang ipasilip ang tunay na kalagayan ng buhay ng isang ordinaryong Pilipino. Nais niya ring bigyang liwanag ang mga isyu na bumabalot sa ating lipunan.
“Gusto kong maramdaman ng mga manonood na buhay at hindi pelikula ang pinapanood nila. I'm translating and commuting life on big screen. Klaro ‘yun sa utak ko na ‘yun ang vision ko [para sa pelikula].”
Kaya naman para maging natural tingnan ang mga eksenang kaniyang ginagawa, hindi niya binibigyan ng mga script ang kaniyang mga artista.
“Acting is not a memorization of lines ‘di ba? So acting is feeling, it's really showing the real character.”
Imbes na bigyan sila ng mga linya, inaatasan niya ang kaniyang mga artista na mag-immerse o kilalanin nang lubusan ang kanilang karakter upang alam nila kung paano hugutin ang emosyong kinakailangan ng istorya.
Ilan lamang sa kaniyang mga bigating artista na nakatrabaho ay sina Jaclyn Jose, Lovi Poe at Coco Martin.
Isa rin ang “Thy Womb” sa mga pelikulang ginawa ni Dante na talaga namang world-class at humakot ng awards mapa-local man o international. Ang nakasama naman niya rito ay walang iba kung hindi ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor. At ultimo ang beteranang aktres, napabilib sa estilo ng paggawa ng pelikula ni Direk Dante.
“Sinasabi na lang sa amin kung ano ‘yung gustong mangyari pagdating sa set. Doon na lang ikukuwento sa amin, mas maganda kasi mas natural yung nagagawang pag-arte,” paglalahad ni Nora Aunor.
Kontrobersyal na tema ng mga pelikula
Hindi kaila na ang kaniyang mga pelikula ay karaniwang tumatalakay sa masalimuot na buhay ng mga Pilipino. Para kasi kay Direk Dante, nais niyang makagawa ng mga pelikulang magkakaroon ng kontribusyon sa ating bayan.
“Kung ang kuwento lang natin ay ating pagmamahalan. Ating pag-ibig eh sarili lang natin yan. Hindi ‘yan sa bayan, hindi ‘yan sa mga tao, hindi ‘yan sa mga issue. Hindi ‘yan sa mga institusyon di ba? So naliliitan ako kapag ang sarii ko lang o ang lovelife ko lang pag-uusapan.”
Ngunit aminado naman siya na matatagalan pa bago akapin ng lahat ng Pilipino ang tema ng kaniyang mga ginagawang pelikula. Para kasi sa ilan, tila pinaglalaruan niya ang kalunos-lunos na sitwasyon ng ating mga kababayan para lamang maging kontrobersyal. Pero giit ni Direk Dante, ang tanging nais lang niya ay makita ng ating bansa at ng buong mundo ang realidad na ginagalawan nating mga Pinoy.
"At the end of the day, it is not about being controversial but simply being truthful about the issues that surround us." —Kimberlie Refuerzo/BMS, GMA Public Affairs
Mapapanood ang Powerhouse tuwing Miyerkules, 4:50 PM sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA