Ang hindi inaasahang tagumpay ni Dina Bonnevie sa mundo ng showbiz
Mapapanuod ang Powerhouse tuwing Miyerkules, 4:50 PM sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Kilala si Ms. Dina Bonnevie sa kaniyang mga matataray na roles na ginagampanan sa pelikula at telebisyon. Ngunit iilan lang ang tunay na nakakakilala sa kuwento ng kaniyang buhay sa likod ng kamera.
The reluctant star
Unang nakilala sa mga pelikulang “Katorse,” “Temptation Island” at “Underage” si Dina Bonnevie noong 1980. Makalipas ang 35 taon, isa na siya sa mga premyadong aktres sa TV at pelikula. Hindi makakalimutan ang kaniyang pag-ganap sa mga pelikulang “Tanging Yaman” “American Adobo” at “Noon at Ngayon” Bukod dito, kilala rin siya bilang isa sa mga dekalibreng host sa telebisyon. Ngunit sinong mag-aakala na kikinang ang kaniyang bituin sa larangang ito dahil noon, wala naman daw interes si Ms. D sa pag-aartisa.
Hindi showbiz kundi kumbento ang nais pasukin ni Dina Bonnevie dahil pangarap niya ang maging isang madre.
“I would walk around the house tapos mayroon akong tuwalya sa ulo na may clip. Tapos talagang may belo, ganyan ako. Gusto ko maging madre,” kuwento niya.
Ngunit tila tadhana na ang nagdikta ng kaniyang kapalaran sapagkat sa di-inaasang pagkakataon, siya ay nadiskubre sa isang beauty contest. Naiuwi niya ang 1st runner-up bilang Ms. Magnolia at pagkatapos nito, kaliwa’t kanang oportunidad na sa pag-arte ang lumapit sa kaniya.
Dito niya nakilala ang kaniyang kauna-unahang nobyo, ang noo’y matinee idol na si Alfie Anido. Dahil istrikto ang kaniyang ama, nahirapan siyang ipaglaban ang kaniyang pag-ibig. Kadalasang tumatakas lang siya para lamang makipagkita kay Alfie. Dahil dito, naisipan niyang lubusan nang pasukin ang pag-aartista para magkaroon ng maraming oras kasama ang kaniyang minamahal.
“Nag-artista ako para may reason akong tumakas! Kasi hindi ako makatakas. If you become an artista then you don't have to make an excuses! You're gonna work you'll be in the set!” paglalahad ni Ms. D.
Meeting Vic Sotto
Tila wala na atang makakapigil sa pagsikat ni Dina. Napabilang siya sa “Regal Babies” noong dekada otsenta at sunod-sunod na ang kaniyang mga naging proyekto.
Taong 1981 naman nang gawin niya ang pelikulang “Bakit ba Ganyan?” Siya ang umawit ng theme song samantalang si Vic Sotto naman ang nag-produce nito. Ayon sa kaniya, hindi ang katulad ni Bossing ang kaniyang tipo kaya hindi niya lubos maisip na maari pala silang magkagustuhan.
“All of that time, I didn't really like him kasi parang ‘yung mga joke niya toilet humor jokes,” kuwento niya.
Ngunit sabi nga nila, hindi natin maaring piliin kung sino ang ating iibigin. Kusa natin itong nararamdaman.
Galante at maasikaso, ganiyan ilalarawan ni Dina si Vic Sotto. Kaya ‘di na siguro nakapagtataka kung bakit nahulog ang kaniyang loob dito. At ‘di nagtagal nauwi sa kasalan ang kanilang pagmamahalan.
“Well kung ako pa lang ang pinapakasalan niya, I don't know why?” sabi ni Ms. D.
Ngunit ang kanilang love story ay hindi isang pelikula. Pinagkaitan man sila ng happy ending, hindi naman daw niya kailanman ipagpapalit ang karanasang ito sapagkat ito ang nagbigay sa kaniya ng dalawang taong pinakamahalaga sa kaniyang buhay.
“I'm very happy to have had Danica and Oyo and no regrets on that part.”
The grand slam actress
Hindi man pinalad sa pag-ibig, naging matagumpay naman ang karera ni Ms. D sa showbusiness. Mula sa mga pa-sweet na role sa pelikula, nagsimula naman siyang gumanap sa mga drama noong taong 1985 sa pelikulang “Nahahati ang Langit” at “Tinik sa Dibdib.”
Taong 1986 at 1987 nang humakot siya ng awards bilang “Best Supporting Actress” para sa “Tinik sa Dibdib.” Nagkamit din siya ng “Best Actress” mula sa FAMAS, Film Academy of the Philippines at Catholic Mass Media Awards para sa pelikulang “Magdusa Ka.”
1989 naman nang gawin ni Dina ang pelikulang “Ang Babaeng Nawawala sa Sarili” kung saan umani rin siya ng mga papuri para sa kaniyang kakaibang pagganap bilang isang babaeng nasapian ng demonyo. Sa pelikulang “Gumapang ka sa Lusak” naman, ang batikang direktor na si Lino Brocka ang nakasama ni Dina.
“I love ‘Gumapang ka sa Lusak’ among all my movies. Everybody thought my favorite would been ‘Magdusa Ka.’ But (“Gumapang ka sa Lusak”) talaga. It was very relevant,” pagbabahagi ni Ms. D.
Naging tanyag din si Dina sa kaniyang mga ginampanang matataray na roles sa pelikula at telebisyon gaya na lamang ng kaniyang karakter sa pinakabagong teleserye ng GMA ang “Beautiful Strangers” kung saan muli niyang makakatambal si Christopher de Leon.
“Kung ang definition ng mataray ay ‘bongga’ ako yun. Pero kung prangka ako ‘yun kasi ay ayaw ko naman din maging hypocrite.”
Happy ending for Ms. D
Ilang beses man siyang nabigo, kalauna’y dininig din ng Diyos ang kaniyang matagal ng pinapanalangin sa katauhan ng ngayo’y kaniyang mister na si Ilocos Sur Vice Governor Deogracias Victor Savellano o mas kilala sa tawag na “DV.”
“If you keep looking for love, you will never find it outside of you. The only time that you will truly find true love is when you begin to love yourself first and accept everything about yourself both good and bad.”
At sa darating na Miyerkules, mapapanuod ninyo ang kabuuan ng kanilang love story. Gaya ng ibang relasyon, mayroon pa ring ilang pagsubok na pinagdadaanan ang mag-asawa. Sa kabila ng lahat ng ito, paano nga ba nila nalalampasan ang mga hamon nang magkahawak-kamay? Ililibot niya rin tayo ni Ms. D sa kanilang tahanan sa Ilocos Sur. Abangan ang lahat ng iyan sa “Powerhouse” sa darating na Miyerkules, 4:35 PM, GMA Network. ---Kimberlie Refuerzo/BMS