Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kuwento ng tagumpay ng negosyanteng si Misis Naty Cheng, tampok sa 'Powerhouse'




POWERHOUSE
NATIVIDAD YABUT-CHENG (URATEX OWNER)
Date of Airing: April 1,  2015 
 
Dating nakikitira lang sa apartment ang pamilya ni Natividad Yabut-Cheng. Nagsisiksikan daw ang apat na pamilya sa bahay na ito at halos tabi-tabi na sila matulog sa iisang banig noon. Ngayon, kilala na siya sa sariling kumpanya bilang si "Misis" at ang nagmamay-ari ng Uratex na isa sa pinakamalaking pagawaan ng foam sa bansa.
 
Nagsimula lang daw sa isang maliit na negosyo na buy and sell ng furniture at bed supplies si Misis Naty at ang kanyang mister na si Robert hanggang sa nakakita sila ng potensyal na negosyo sa pagsu-supply ng foam. Sa  halagang P4,000 na kapital ay nabuo ang kanilang pangarap na umasenso pero isang pangyayari ang sumubok sa kanilang katatagan. Nasunog ang kanilang warehouse at nabaon sila sa utang. Sinikap nilang bumangon at ngayon, mas lumawak pa ang kanilang negosyo nang pasukin nila ang pagsu-supply ng automotive fabric at muffler ng kotse. 
 
1972 nang tumira ang mag-asawang Cheng sa kanilang apat na palapag na tahanan. Dito rin matatagpuan ang kanilang showroom at opisina. Nagmistulang mall ang kanilang entertainment area dahil makikita rito ang ilang coin-operated games para sa kanilang apo. Ang kanilang bahay at negosyo ay bunga raw ng kanilang sipag at hindi pagsuko sa mga pinagdaanang problema. 
 
Samahan ang award-winning journalist na si Kara David na alamin ang kuwento ng pagsubok, pagbangon, at tagumpay ni Misis Natividad Yabut-Cheng ngayong Miyerkules, 4:35 ng hapon sa Powerhouse.