Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Putch Puyat on 'Powerhouse'


Powerhouse
Putch Puyat
Date of Airing: January 21, 2014
8 PM, GMA News TV-11



Ngayong Martes, kilalanin ang tinaguriang “The Godfather of Philippine Billiards” na si Aristeo “Putch” Puyat sa Powerhouse.

Dalawampu’t limang taon nang naninirahan sa kanyang two-storey house sa lungsod ng Makati si Putch. May laking 1,200 square meters ang bahay at dinisenyo ng sikat na interior designer na si Budji Layug. Eclectic ang tema ng bahay at puno ng mga bagay at painting na may disenyong kabayo. Sa kanyang painting collection, paborito raw ni Putch ang three Arabian horses painting na nanggaling pa mismo kay Saddam Hussein. Bukod sa mga painting, nagkalat rin ang mga tropeo na napanalunan niya sa mga sinalihang horse racing events sa bansa.  Pero ang nagbibigay-buhay sa loob ng bahay ni Putch ay ang kanyang labinlimang alagang aso.

Dahil maagang naulila sa mga magulang, lumaki si Putch sa pangangalaga ng kanyang mga tiyahin at Lolo Gonzalo, ang nagtaguyod ng Puyat Sports noong panahon pa ng Espanyol. Dahil lumaki sa negosyo ng bilyar, hindi na nakapagtataka na ito ang daang tinahak ni Putch. Nagsimula bilang clerk ng opisina, unti-unti siyang umangat sa pwesto at kalauna’y hinawakan na ang Puyat Sports kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si Jose.

Dahil sa hilig sa larong bilyar, ninais nilang magkapatid na makatulong para lalo pang palakasin ang sport. Siya ang naging benefactor ng mga kilalang bilyarista ng bansa na sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Alex Pagulayan at Rubilen Amit na pawang mga world champion sa bilyar. Ang pagkakabilang ni Efren sa 60 Asian Heroes ng magasin na “Time” ang isa sa mga ipinagmamalaki ni Putch.

Bukod sa pagpapatakbo ng negosyo, ang pag-aalaga ng mga kabayong pangarera ang isa pa sa pinagkakaabalahan ni Putch.

Ipasisilip din niya ang kanyag   47,500 hectare farm sa Batangas  kung saan matatagpuan ang kanyang mga kabayong umaabot sa 80 ang dami. Sa laki ng lupain, tamang-tama raw ito para malayang makatakbo ang kanyang mga kabayo bago isalang sa masinsinang horse race training.

Sa ngayon, tumutulong si Putch sa paglinang ng kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng bilyar . Patuloy din siyang naghahanap ng mga susunod sa yapak nila Efren “Bata” Reyes, Django Bustamante, Alex Pagulayan at Rubilen Amit.

Samahan si Kara David na silipin ang bahay at buhay ni Arosteo “Putch” Puyat sa Powerhouse, ngayong Martes, ika-8 ng gabi sa GMA News TV.