Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Benjie Paras on 'Powerhouse'


Airing date: November 5, 2013/8 PM



Ngayong Martes sa Powerhouse, samahan si Kara David pasukin ang bahay ng komedyante at dating basketbolista na si Benjie Paras kasama ang dalawa niyang anak na sina Andre at Kobe.

Sa isang eksklusibong subdibisyon sa Pasig nakatira ang pamilya ni Benjie. May laking 400 square meters at dinisenyo ng arkitektong si Alex Co ang bahay. Ang kanyang maybahay naman na si Lyxen ang siyang namahala sa interiors at tema ng bahay na modern asian. Sa loob ay mapapansin ang isang accent wall na kulay turquoise at brown na may disenyong mga bulaklak na isa sa mga atraksyon sa bahay.

Sa ikalawang palapag naman matatagpuan ang kwarto ng mga anak ni Benjie na sina Andre at Kobe Paras. Kitang-kita ang hilig ng mga binata sa basketball dahil sa ilaw na hugis bola sa kani-kaniyang kwarto.

Anak ng dating manikurista at labandera si Benjie. Lumaki sa mahirap na pamilya pero nagpursige siya na makaahon sa hirap sa pamamagitan ng paglalaro ng basketbol. Nadiskubre lamang siya noon sa mga liga ng barangay hanggang sa makapag-aral sa San Beda College at kalaunan ay sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan kumuha siya ng kursong Tourism. Pinagsabay ni Benjie ang pag-aaral at pagbabasketbol at dahil sa sipag at tiyaga, kasama siya sa koponan ng UP Fighting Maroons na siyang huling nagbigay ng panalo sa unibersidad noong 1986.

Hindi na nakagugulat na noong taong 1989 ay siya ang naging over-all first draft pick sa Philippine Basketball Association o PBA at naglaro siya sa Formula Shell. Sa PBA, gumawa ng mas malaking ingay si Benjie nang hirangin siya bilang Rookie of the Year at Most Valuable Player o MVP noong parehong taon.

Makalipas ang isa't kalahating dekadang pamamayagpag sa mundo ng pagbabasketbol, nagdesisyon si Benjie na magretiro sa paglalaro para makasama ang kaniyang pamilya. Kasabay nito, nagdesisyon na rin siyang pasukin ang mundo ng show business at nakita ang kanyang galing sa pag-arte sa Dunkin Donato, ang kanyang unang pelikula. Matapos nito ay nagsunud-sunod na ang offers at mas nakilala siya bilang isang komedyante at gumanap na sa maraming pelikula, sitcom at telenovela.

Sa ngayon, nakatuon ang atensiyon si Benjie sa kanyang asawa at apat na anak. Ang kanyang mga anak na sina Andre at Kobe Paras ay unti-unti na ring nakikilala sa mundo ng basketbol at show business. Si Andre, ang kanyang panganay ay kumukuha ng kursong film sa Unibersidad ng Pilipinas at player din ng UP Fighting Maroons. Si Kobe naman ay nasa high school at nag-aaral sa La Salle. Kamakailan ay gumawa ng ingay si Kobe sa social media dahil sa ipinakitang galing sa pagbabasketbol sa pagsali sa slam dunk competition ng FIBA at sa pag-dunk sa harap mismo ng NBA player na si Lebron James.

Samahan si Kara David na silipin ang bahay at buhay ni Benjie Paras sa Powerhouse, ngayong Martes, ika-walo ng gabi sa GMA News TV.