Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Businesswoman Cristina Decena on 'Powerhouse'




Airing date: October 29, 2013/8:00pm

Ngayong Martes sa Powerhouse, silipin ang bahay at kilalanin ang negosyanteng si Cristina Decena. Dating nagtitinda lang ng makeup, damit at kung anu-ano pang puwedeng ibenta. Sa edad na dalawampung taon, nakuha na niya ang kaniyang unang milyon.  Ngayon ay nagmamay-ari na siya ng iba't ibang negosyo at properties.

Kamakailan lang, napabalita si Cristina dahil sa isang pagtatangka sa kaniyang buhay. Sakay ng isang van na minamaneho ng kanyang nag-iisang anak na lalaki at kasama ang isang katulong, binabaybay nina Cristina ang Araneta nang bigla na lang  may dalawang lalaking sakay ng motor ang sumulpot at pinagbabarill ang kanilang sasakyan. Sa kuha ng isang CCTV, kitang-kitang ang buong insidente at kung paano natakasan ng grupo ni Cristina ang kapamahakan. Ang hinala ni Cristina may kinalaman ito sa negosyo niya sa real estate.

Matagal nang nasa negosyo ng paggawa at pagbibenta ng bahay si Cristina. Nasa edad na dalawampung taon pa lamang siya nang una siyang bumili ng lumang bahay, ipinaayos niya ito at ipinagbili. Simula noon, nagtuloy-tuloy at lumaki nang lumaki ang kaniyang negosyo. Para
madagdagan ang kaniyang kita, naisipan rin niyang ayusin na rin ang mga kagamitan sa loob ng bahay at siya na rin ang gumawa.




Ngayon, tinatamasa na niya ang marangyang buhay na matagal na niyang pinangarap. Lumaki sa Tondo si Cristina. Dahil napagkaitan ng magandang buhay noon, nagsumikap siya sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbibenta ng kung anu-ano para kumita. 

Kung dati hindi niya kayang bumili ng simpleng gamit, ngayon, mga magaganda at mamahaling damit, sapatos, bag ang kaniyang  isinusuot at ginagamit. Pero wais si Cristina, nagtayo siya ng second hand store kung saan matapos niyang pagsawaan ang kaniyang mga gamit, ibinebenta niya ito. 

Sa loob ng bahay ni Cristina, nakakalula ang kaniyang mga mamahaling koleksyon ng porcelaine, crystals at glass mula pa sa Italy at Spain.

Sing-kulay ng buhay at bahay ni Cristina ang kaniyang love life. Hiwalay sa asawa, unang nakilala si Cristina dahil sa pagkakaugnay kay Philip Salvador. Naging masalimuot ang kanilang pagsasama at hiwalayan na humantong pa sa demandahan. Makalipas ang ilang taon, muling naging matunog ang buhay pag-ibig ni Cristina dahil naman sa pagpapakasal kay Ariel ng comedy duo na Ariel and Maverick. Apat na beses nagpakasal sa iba't ibang bansa sina Cristina at Ariel pero nauwi pa rin sa hiwalayan ang kanilang relasyon. 

Para sa buong kwento ng buhay ni Cristina Decena at marami pang detalye ng kaniyang magagarang bahay, manood ng Powerhouse ngayong Martes, ika-walo ng gabi sa GMA News TV.