Ang 'Fortune Cookie' ng PBA na si Atoy Co, tampok sa Powerhouse
Martes sa Powerhouse, makaka-one-on-one ni Mel Tiangco ang isa sa mga iniidolong basketbolista ng PBA, ang dating Cripa Redmanizer na si Fortunato "Atoy" Co.
Sumikat si Atoy dahil sa kaniyang galing sa pag-shoot ng bola at kakaibang istilo ng paglaro. Ang mga galaw daw niya noon ay makikita lang sa NBA! Nagsimula bilang isang varsity player ng Mapua, estudyante pa lang ay nakasama na niya ang mga bigating Crispa Redmanizer players sa praktis. Kaya naman hindi kataka-takang napunta siya sa Crispa at naging malaking bahagi ng tagumpay nito.
Sa kaniyang tahanan na Modern Asian ang tema, ipakikita ni Atoy ang naipundar nila ng kaniyang asawang si Monet. "Collaboration" daw nila ang pag-aayos dito pero mas pinagbibigyan niya ang hilig ni misis para walang away. Namumukod-tangi sa bahay ang mga dekorasyong mala-Zen ang dating, tulad ng mga pigurin ni Buddha at mga hand sculpture na nagbibigay daw ng suwerte. May pribadong silid din si Atoy kung saan naka-display ang mga awards at trophies na nakuha niya sa ilang taon ng pagiging basketbolista.
Kamustahin ang tinaguriang Fortune Cookie ng PBA, si Atoy Co, sa Powerhouse, Martes, 8PM sa GMA NewsTV.