Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kapuso showbiz correspondents Nelson Canlas at Aubrey Carampel on Powerhouse


 

Sa Martes, tunghayan ang buhay sa likod ng kamera nina Nelson Canlas at Aubrey Carampel sa Powerhouse.

Kapwa kilala sila sa larangan ng showbiz pero hindi bilang artista, singer o dancer kundi tagabalita ng mga happenings sa show business. Sa walong taon nilang pagiging reporter, marami na raw silang mga malalim na pagkakaibigan sa mga personality sa telebisyon at pelikula. Hindi man sila artista, ma-drama naman ang totoong kuwento ng kanilang mga buhay.

Si Nelson, bilang panganay sa apat na magkakapatid, maaga raw siyang nahinog at umako ng responsibilidad ng mga magulang. Tumungong Hong Kong ang kanyang ina para matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Ang kanyang ama---lasenggo! Marami daw siyang naging isyu sa pamilya na naging dahilan ng kanyang pagrerebelde. Apat na taon daw siyang tambay at walang trabaho at nakatikim ng mangilan-ngilang bisyo.

Si Aubrey naman, adik daw sa sapatos! Palibhasa’y mga pamana o hand me down lang ang kanyang mga nasusuot noon kung kaya’t ipinangako niya sa sarili na kapag siya’y nagkapera, bibili at bibili siya ng maraming pares ng sapatos! Kung tutuusin daw, sa utang sila nakaraos. Ang kaniya raw pang-matrikula ay hiniram sa 5-6 ng Bombay!

Pero ngayon, lahat ng mga pinagdaanan nina Nelson at Aubrey ay bahagi na ng nakaraan. Si Nelson, impressive ang kanyang bachelor’s pad. At sa kabila ng tila maasim na relasyon niya noon sa kanyang mga magulang, tumatamis na raw ang kanilang pagmamahalan. Habang si Aubrey naman ay enjoy na enjoy sa kanyang dream house. Ang tsismis pa nga sa amin ni Aubrey, siya pa nga daw ang dumiga sa kanyang napangasawa!

Samahan kaming dalawin ang bahay ng dalawang GMA showbiz reporters at alamin ang kuwento ng kanilang buhay sa Powerhouse kasama si Mel Tiangco, Martes, 8PM sa GMA NewsTV.