Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs
Ang mga may-ari ng mga dinadayong kainan sa Tagaytay, dadalawin ng Powerhouse
Mainit na Bulalo at malinamnam na seafood, ilan ito sa pinasikat na putahe ng dalawang restaurant na dinadayo ng mga turista sa Tagaytay — ang Leslie’s at Josephine Restaurant. Ngayong Martes, titikman ni Mel Tiangco ang mga putaheng napamahal na sa mga biyahero.
Bagama’t patok na patok ang Leslie’s dahil sa Orginal Bulalo Special nila, hindi naman daw agad-agad nasungkit ng mag-asawang Leslie at Dolores Paelmo ang tagumpay. Marami muna raw silang pinasukang negosyo pero hindi naman sila sinuwerte sa mga ito. Hanggang isang insidente ang nagbago ng kanilang kapalaran. Habang kumakain sa isang restaurant noon, nanghingi ng sabaw si Dory sa serbidora. Pero hindi siya binigyan dahil daw hindi naman siya umorder ng bulalo. Dahil dito, ipinangako ni Dory sa sarili na kapag nagkaroon siya ng restaurant ay eat-all-you-can ang sabaw ng bulalo rito! Isang pangakong tinupad niya nang maipatayo ang Leslie’s sa kapital na fifty thousand pesos. Ngayon, umaabot sa isanlibo katao ang kumakain sa Leslie’s kada araw, pero umaakyat ng hanggang tatlong libo ang bilang kapag Sabado at Linggo!
Pero hindi lang daw sa negosyo masuwerte ang mag-asawang Paelmo kundi maging sa mga anak. Kasi naman, ang 500-square meter home na tinitirhan nila ay regalo pala ng kanilang panganay na anak. Sa housetour, makikita ang kahanga-hangang modern Mediterranean style ng interiors. Kumpleto na ito sa gamit nang ibinigay sa mag-asawa; magmula sa sala set, dining set hanggangs ultimo coffeemaker. May entertainment room din na paboritong tambayan ni Leslie, at home office na siya namang balwarte ni Dolores.
Samantala, ang yumaong mag-asawang sina Josephine at Alfonso Sarayba naman ang nagtaguyod ng Josephine Restaurant. Sikat sa masarap na seafood dishes ang Josephine kaya naman dinadayo hindi lang ng mga biyahero kundi maging ng mga prominenteng tao. Pero hindi restaurant kundi real estate ang unang naisip na negosyo ni Alfonso. Pero dahil na rin sa suhestiyon ng mga kaibigan, itinayo niya ang kauna-unahang branch ng Josephine noong 1966 na agad namang tinangkilik ng mga tao. Limang libong piso lang ang kanilang naging puhunan pero sapat na ito para maitaguyod ang isang matagumpay na negosyo.
Sa pagpasyal ng Powerhouse sa kanilang ancestral home, masayang babalikan ni Elena, ang bunsong anak ng mag-asawang Sarayba, ang masasayang alaala ng kanilang paglaki. Dito, makikita ang mga antigong muwebles na pinaghirapang ipundar ng kaniyang mga magulang. Kapansin-pansin din ang naka-display na koleksiyon ng mga glassware na ginamit sa iba’t ibang branches ng Josephine sa nakalipas na animnapu’t pitong taon; maging ang koleksiyon ng mga santo na alagang-alaga pa rin ng pamilya hanggang ngayon.
Ang matagumpay na kuwento ng dalawang kainang dinadayo ng mga Pinoy, abangan sa Powerhouse, Martes, 8PM sa GMA News TV.
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
More Videos
Most Popular