Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Powerhouse: Balik Bahay sa Pasko (Part 1)


Balik Bahay sa Pasko (Part 1)
 
Paskong-pasko na! Paano kaya naghahanda ang mga naging panauhin natin para sa pinakamahalagang araw ng taon? Samahan si Mel Tiangco na balikan ang ilan sa mga tahanang nasilip natin nitong nakalipas na taon sa Powerhouse.
 
Kapag Pasko, hindi lamang bahay kundi maging ang kaniyang aquarium ang pinapalamutian ni Cesar Apolinario. Samahan si Cesar sa pamimili niya ng mga murang Christmas accessories para sa kaniyang Christmas aquarium. Sa halagang isang libo, marami nang mabibili sa kaniyang suking thrift shop tulad na lang ng maliit na Christmas tree, Christmas balls, Santa Claus toys, Christmas lights, at iba pang dekorasyong pamasko. Gamit ang mga napamili, ang misyon ni Cesar ay makagawa ng isang “Christmas village” na babagay sa kaniyang bahay. Gusto raw kasi ni Cesar na pag-uwi niya galing sa trabaho ay mapagmasdan niya lang ang aquarium para mapawi ang pagod niya.
 
Samantala, kasama ang mga kamag-anak, full force na binubuhay ni Susan Enriquez ang spirit of Christmas sa bahay niya sa Cavite. Bagamat simple lang ang mga dekorasyon niya, masaya si Susan dahil recycled ang lahat ng ito. Tulad ng mga garlands na inilalagay niya sa pintuan at maging ang mga makulay na Christmas lights at Christmas balls. Sa loob ng kaniyang modern Asian living room, kapansin-pansin din ang Christmas trees na nakapagpaganda pa ng lugar. Magbibigay din si Susan ng Christmas tips tulad ng tamang paggamit ng mga Christmas lights. Ayon pa kay Susan, excited daw siya tuwing Pasko dahil muli silang nagkakasama-sama ng pamilya at natitikman niya ang paboritong luto ng kaniyang ina.
 
Si Chef Boy Logro naman, masayang ipinasilip sa atin ang kanyang bagong bahay sa Cavite. Mula nang una siyang binisita ng Powerhouse noong Pebrero ay natapos na rin ang pinapagawang bahay ni Chef. Bunga ito ng kaniyang walang pagod na pagtatrabaho hindi lamang sa kusina kundi pati na rin sa harap ng camera. At dahil bago ang bahay, masayang nagsama-sama ang buong pamilya para buuhin ang kanilang Christmas Tree. Pagkatapos, ipinatikim na rin ni Chef Boy ang isa sa mga ihahanda niya para sa Noche Buena – ang Seared Minonette of Pork Tenderloin Wrapped with Bacon with Creamy Mushroom Sauce. Siyempre isinama na rin niya ang Powerhouse sa kusina at di naiwasang magpakitang gilas sa galing niya sa pagluluto.
 
And last but not the least, sa kauna-unahang pagkakataon, bubuksan ni Mel ang sarili niyang tahanan para sa mga manonood ng Powerhouse!   Sa pagbisita ng programa sa tahanan ni Mel, ipinakita niya ang kanyang mga Christmas trees na iba't iba ang laki, kanya ring ibinahagi kung bakit niya kinagigiliwang magkabit ng dekorasyon tuwing kapaskuhan. Kasama ang ilang staff at volunteers ng GMA Kapuso Foundation, ibabahagi rin niya kung ano para sa kanya ang totoong ang kahulugan ng Pasko. 
 
Maaga ang Pasko sa Powerhouse, Martes, 8PM sa GMA News TV.