Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Angkas na sa sa biyahe ng buhay ni Jay Taruc sa 'Powerhouse'
Angkas na sa sa biyahe ng buhay ni Jay Taruc sa 'Powerhouse' Date of Airing: December 4, 2012 Ngayong Martes sa Powerhouse, angkas na sa natatanging biyahe ng buhay ng premyadong mamamahayag na si Jay Taruc. Ang ama niyang si Joe Taruc ang isa sa pinaka-respetadong radio anchors sa bansa. Pero hindi naman binalak ni Jay Taruc na sundan ang yapak ng kaniyang batikang ama. Sa katunayan, pre-dentistry ang una niyang napiling kurso. Pero hindi rin niya natanggihan ang tawag ng broadcasting at noong 1992, natapos niya ang kursong Mass Communications sa Centro EscolarUniversity. At kahit sikat ang ama, nagsimula si Jay sa ibaba bilang isang production assistant sa Brigada Siete. Mula rito, naging tuloy-tuloy na ang pagsabak niya sa mundo ng broadcast journalism hanggang sa maging reporter at documentary filmmaker. Sa ngayon, sari-saring awards na ang natanggap ni Jay, kabilang ang CNN World Report Award at ang prestihiyosong George Foster Peabody Award para sa dokumentaryong “Batang Alipin”. Sa pagbisita ni Mel sa kaniyang 600-square meter modern industrial home sa Quezon City, unang mapapansin ang 700 kilo-metal jigsaw na pintuang dinisenyo ni Reg Yuson. At kung sa pintuan pa lang, kita na ang hilig ni Jay sa modern art, mas lalo na sa loob! Halos puno ang buong bahay ng iba’t ibang obra ng mga sikat na artists tulad ng Amerikanong si Frank Kozik at mga Pilipinong sina Bernie Pacquing, Louie Cordero, Jasyon Oliveria, Jojo Legaspi at Alfredo Esquillo, Jr. Sa dining area naman, sentro ng attention ang 12-seater table na gawa sa isang malaking piraso ng narra. Ipasisilip din ni Jay kay Mel ang kaniyang pribadong workspace, master’s bedroom, at lanai na pawang siya rin ang nagdisenyo. Siyempre, hindi matatapos ang house tour nang hindi ipinapakita ni Jay ang kaniyang prized possession: ang Harley Davidson Sportster motorcycle na matagal din niyang pinangarap. Sa kanilang pag-uusap ni Mel, ikikwento ni Jay ang mga life lessons na natutunan niya mula sa kaniyang ama, kung paano siya nabigyan ng break bilang isang reporter sa GMA, ang kaniyang kakaibang hilig sa pagmo-motor, ang love story nila ng kaniyang asawang si June, at maging ang napakabigat na problemang hinaharap nilang mag-asawa ngayon. Ang kanilang bunsong anak na si Sophie ay may pinagdaraanang sakit, hindi nga napigilan ni Jay maging emosyonal nang mapag-usapan ang maselan na kalagayan ng kanilang anak ngayon. Tapat at mula sa puso, ‘yan ang kwentuhan nina Mel Tiangco at Jay Taruc sa Powerhouse, Martes, 8 PM sa GMA News TV.
More Videos
Most Popular