Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga uri ng dysmenorrhea at diabetic foot care sa 'Pinoy MD'


PINOY MD
SABADO, NOVEMBER 22, 2014
6 AM SA GMA7


FOOT CARE PARA SA MGA DIABETIC



Para sa mga mayroong diabetes o kaya para sa mga nag-aalala sa kanilang blood sugar level, mahalaga ang pagkakaroon ng tamang diyeta at sapat na ehersisyo. Pero payo ng doktor, dapat pagtuunan din nila ng pansin ang kanilang mga paa. Paliwanag ni Dr. Richard Elwyn Fernando, diabetologist at pangulo ng Diabetes Philippines, kapag sobra ang blood sugar level sa katawan, pinahihina nito ang mga daluyan ng dugo at ugat sa ilang bahagi nito, kabilang na ang mga paa.  Kapag nangyari ito, humihina rin ang sirkulasyon ng dugo at kapag nasugatan ang parte ng katawan na kapos na sa oxygen at nutrisyon, karaniwang hindi na gagaling ang sugat.  Sa mga diabetic na nakararanas na ng pamamanhid sa mga paa dala ng kakulangan ng pagdaloy ng dugo, maaaring hindi nila maramdaman ang sugat hanggang sa malala na ito.  Kaya naman kung isa sa bawat limang Pilipino na maaaring may diabetes o may kakilala kayong may diabetes, alamin ang mga tip ng mga eksperto kung paano pa mas maiingatan ang inyong mga paa.

DYSMENORRHEA



Ayon kay Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor, obstetrician- gynecologist, dating Presidente ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society at Pinoy MD host, may dalawang uri ng dysmenorrhea.  Ang primary daw, hindi dapat ipag-alala dahil natural na bahagi daw ito ng hormonal changes na nangyayari kapag may regla ang babae.  Pero pagdating daw sa isa pang uri, puwede na itong senyales ng mas matinding karamdaman; aniya,  “Ang secondary dysmenorrhea naman may naidentify tayo na organic problem na mage-explain ng pagkakaroon niya ng sakit during her menstruation for example yung endometriosis, kung saan ang lining ng uterus nag invade sa ibang part ng reproductive organ.” Sa mga Kapuso naming babae, primary o secondary dysmenorrhea ba ang inyong nararamdaman?  Para mas masuri niyo ang inyong kondisyon at para malaman ang iba-ibang home remedy para maibsan ang pananakit ng inyong puson, abangan ang aming Usapang Babae segment.

SUPPLEMENTS



Iba’t ibang uri ng vitamins, minerals at food supplements ang nasa merkado ngayon. Pero alin nga ba sa kanila ang rekomendado ng doktor? Paliwanag ng mga wellness expert, mayroong mga sustansiya tayong nakukuha sa mga pagkain pero mayroong ibang kailangan punan ng mga iniinom na bitamina. Sa kada dekada ng ating buhay, may iba-iba rin daw tayong nutrients na mas dapat na nakukuha. Ano ang mga supplement na kailangan natin? Ano ang nababagay para sa ating edad, kalusugan o diyeta? Binusisi namin ang impormasyon nang mas madali niyong maintindihan ang tungkol sa vitamins at supplements.

OVEN TOASTER PASTA RECIPES

Sa aming Luto Lusog segment, ipakikita naming di kailangan ng malaking oven para ma-enjoy ang mga paborito niyong baked pasta recipes!  Sa tulong lang ng inyong toaster oven, puwede na kayong gumawa ng mga lutuin na tiyak na magugustuhan ng inyong pamilya.

Bawat Sabado, nililinaw namin sa inyo ang mga impormasyong pangkalusugan na mahalaga para sa inyo at sa inyong pamilya.  Samahan sina Connie Sison, Dr. Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor, Dr. Oyie Balburias at Dra. Jean Marquez sa  Pinoy MD sa  Sabado, 6 to 7 a.m. sa GMA.