Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Delikado nga ba ang mga nunal?' sa 'Pinoy MD'


PINOY MD
SABADO, NOVEMBER 8, 2014
6:00 AM, GMA7


MGA NUNAL SA KATAWAN



Puno ng mga itim na butlig sa buo niyang katawan ang 28 taong gulang na si Paulo. Iregular ang hugis ng kaniyang mga nunal at ang iba'y mas malaki kaysa sa iba. Dahil sa natatanggap niyang pangungutya sa eskuwelahan, hanggang 3rd year high school lamang ang inabot ni Paulo. Hinanakit niya, “Ganito ka na nga, sasabihin pa sa iyo ay pangit ka! O 'di kaya'y bakit siya nagkaganiyan?” Alamin ang paliwanag ng mga eksperto sa kondisyon ni Paulo. Posible kayang ang ordinaryong nunal sa ating katawan ay dumami rin ng ganito?

PAGKABULAG SA MGA SANGGOL



Ang mga batang isinisilang na kulang sa buwan o premature ay mas maaari raw magkaroon ng tinatawag na retinopathy of prematurity o ROP. Ang mga batang mayroong ROP ay nagkakaroon ng problema sa paningin at kapag hindi naagapan, maaaring tuluyang mabulag. Sa Sabado, sundan ang kuwento ng triplets na isinilang na pawang nagkaroon ng ROP pero ngayo’y malulusog na. Abangan din ang payo ng mga eksperto kung paano makaiiwas sa kondisyong ito at kung ano ang susi para maisalba ang paningin ng mga batang mayroong ROP.

DILIS, PLEASE!



Masarap papakin, maaalat man o matamis. At kahit maliit, siksik naman sa sustansya. Mula sa mga taga-Noveleta, Cavite, malalaman natin ang mga kakaibang luto sa dilis hango sa kanilang nakaraang Dilis Festival. Akalain ninyong puwede palang gawing kare-kare ang isdang ito? Eh ang Dilis Fritters, natikman niyo na ba? Abangan ang mga recipe sa Sabado!

GALAW-GALAW WITH GLAIZA



Para naman sa mga hindi na magkanda-ugaga sa kanilang gawaing bahay gawin ang mga ehersiyo na ito kasama si Kapuso Glaiza de Castro. Ituturo ng Pinoy MD ang mga ehersisyong puwedeng isabay sa paglalaba, paghuhugas ng pinggang, pagwawalis at pagbubunot sa bahay. Two in one, ika nga! Sabi nga ni Glaiza, galaw-galaw pag may time!

Magkikita ulit tayo sa Sabado para sa isang makabuluhang talakayang pangkalusugan.  Panoorin ang Pinoy MD kasama sina Connie Sison, Dra. Jean Marquez, Dr. Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at Dr. Oyie Balburias. Abangan iyan, 6 AM hanggang 7 AM sa GMA.