Pinoy MD Question of the Week: Ano ang sakit na gout?
Tanong ng ating mga Kapuso sa Facebook page ng "Pinoy MD": Ano ang sakit na gout at paano lulunasan ito?
Ang gout ay ang sakit na nakukuha kung nasobrahan sa uric acid ang ating katawan na namumuo na parang kristal na unti-unting sumisingit sa mga kasu-kasuan. Kadalasang nakukuha ang gout sa mga pagkaing mataas ang uric acid content katulad ng monggo.
Tuwing umaga, karaniwang sumasakit ang kasu-kasuan ng ilang matatanda. Isang dahilan nito ang sakit na gout. Bukod sa pagsakit ng kasu-kasuan, ano pa ba ang ilang senyales ng gout na dapat tandaan?
Senyales ng gout
Isang senyales ng gout ang pangingirot ng lower extremities ng katawan tulad ng paa at binti. Ito ang madalas na nananakit sapagkat ito ang bahagi ng ating katawan na may pinakamababang temperatura. Sanhi ng gout ang sobrang uric acid sa ating katawan. Ang uric acid ay parang tubig na mabilis magyelo o mamuo sa joints kapag malamig.
Isa pang palatandaan ng gout ang pamamaga ng metatarsal joint o ang malaking daliri natin sa paa.
Kabilang din sa senyales ng gout ang pagkakaroon ng tophi, o mga bukol-bukol na karaniwang makikita sa paa at daliri ng kamay. Nagkakaroon ng tophi dahil kapag sumobra na sa dami ang uric acid, uumbok ito sa balat na parang bukol.
Lunas para sa gout
Malala na ang kaso ng iyong gout kung nagkakaroon ka na ng tophi. Para sa ganitong sitwasyon, inirerekomenda ng eksperto ang pagsailalim sa tinatawag na arthrocentesis. Isa itong medical procedure kung saan sa pamamagitan ng injection, binabawasan ng fluids ang parteng apektado ng gout. Nakatutulong daw ito para muli nang maigalaw ang parteng naninigas.
Kadalasang tumatagal lang ng ilang minuto ang arthrocentesis. Nagkakakahalaga ng P10,000 ang bawat session nito.
Para naman sa mga paunang lunas sa gout, magdampi ng cold compress sa parteng kumikirot.
Uminom din ng anti-inflammatory medicines subalit siguruhing may reseta ito ng inyong doktor.
Iwas-gout
Sa umpisa pa lang, iwasan na ang pagkakaroon ng gout. Isang paraan para maiwasan ito ay ang pag-iwas sa mga pagkaing mataas ang uric acid katulad ng beans, tahong, lamang-loob at serbesa.
Iwasan din ang mga pagkain at inuming may fructose katulad ng softdrinks. Nagiging uric acid ang fructose kapag ating nakonsumo.
--Bernice Sibucao/CM, GMA News