Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa dry skin?


Kaisa ng layunin ng “Pinoy MD” na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay “Jayvee” ng Facebook:

Ano po ang puwedeng gawin para mawala ang pagka-dry ng balat?



Sagot:

Isa sa posibleng magdulot ng panunuyo ng balat ang labis na exposure sa matatapang na kemikal, ayon kay “Pinoy MD” resident dermatologist Dr. Jean Marquez.

“‘Yung soaps na pampaligo lalu na ‘yung mga panlaba, malakas maka-dry ng skin dahil sa chemicals,” ani Dr. Marquez. “Ganoon din ‘yung alcohol o sanitizers. May iba kasi na madalas gumagamit no’n, kapag paulit-ulit o sobra, nakaka-dry rin sila ng balat.”

Hindi rin nakabubuti ang madiing pagkuskos ng balat. Natutuklap kasi ang upper layer nito, dahilan para mag-evaporate ang natural oils na nagsisilbing moisture sa balat. Kapag wala ito, dito nagsisimulang manuyo ang balat.

Bukod sa hindi magandang tignan, hindi rin daw dapat ipagsawalang bahala ang dry skin.

“Kapag sobrang tuyo, malaki ang possibility na mag-crack ang skin at magsugat,” paliwanag ng dermatologist.

Para manumbalik ang moisture ng balat, narito ang ilang tips mula kay Dr. Marquez.

1. Ugaliing magpahid ng lotion sa balat.
2. Siguraduhing hypoallergenic ang lotion na gagamitin o ‘yung walang taglay na matatapang na kemikal.
3. Panatiliing hydrated ang iyong katawan. Uminom ng walong basong tubig o higit pa kada araw.
4. Makatutulong din ang pag-inom ng Vitamin B supplements upang magkaroon ng healthy-looking skin.

Para sa natural na paraan upang maging moisturized ang balat, maaaring paghaluin ang gata, kinayod na laman ng niyog at red rice para maging scrub. Marahan itong ipahid sa balat nang ilang minuto para maalis ang dead skin cells.

Puwede ring gamitin bilang moisturizer ang asukal. Paghaluin lang ang tatlong kutsarang asukal at coconut oil. Kapag malapot na ang mixture na ito, ikuskos sa balat at saka banlawan.

Sa simpleng problema, simple lang din naman ang solusyon. Tandaan, ang tamang kaalaman at pangangalaga sa sarili, malayo na ang mararating. — Rica Fernandez/CM, GMA News

Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.

Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.

Related “Pinoy MD” articles:

Pinoy MD Question of the Week: Paano maiibsan ang impatso?
Pinoy MD Question of the Week: Paano tinatanggal ang foot odor?

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa back acne o ‘bacne’?

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa acne scars?